Tambuling Batangas Publication November 28-December 04, 2018 Issue | Page 4

OPINYON November 28-December 4, 2018 Lingguhang Pahayagan ng Lalawigan ng Batangas na inilalathala tuwing Miyerkules / PRINTING PLANT: Sinag Publishing & Printing Services, National Highway, Brgy. Parian, Calamba City, Laguna. Tel nos. (049) 834-6261 & (049) 5763112 / Subscription fee: One year P360.00 Six Months: P180.00 / Commercial Advertising rate: P160 per column cm / MEMBER: Publisher’s Association of the Philippines, Inc. (PAPI) / Raia Jennifer E. Dela Peña Managing Editor / P.L. Villa, RC Asa Contributing Editors / Shara Jane Falceso, Rachelle Joy Aquino, Jacquilou Lirio, Maria Carlyn Ureta staff writers / Ruel T. Landicho Lay-out Artist/ Ms. Corazon D.P. Marcial, Amber D.C Vitto Legal Consultant. email add: [email protected] & [email protected] Pagdami ng Chinese Workers sa Bansa dapat na bang ipangamba? John Christoper Lara Nakatakdang magsagawa ngayon ng imbestigasyon ang Senado sa pagdami ng mga Chinese na nagtatrabaho sa bansa, sabi ngayong Linggo ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III. Ito ay matapos ang insidente kung saan nasa 93 na Chinese ang nasakote dahil sa iligal na pagpapatakbo ng online gambling o sugal sa bandang Pasay City. Isang kagulat-gulat na balita na naman ito sa ating mga Pilipino. Dahil sa kabila ng paparaming mga Pinoy na walang trabaho ay papaanong nakakapasok ang mga iligal na manggagawang intsik? Dahil ba ito sa masyadong maluwag na pagtrato ng ating bansa sa kanilang bansa? O isa ba itong estratehiya na kasabay ng sunod sunod na aktibidad kung saan nakikita ang mga pabor na ginagawa ng tsina para sa atin sa pamamagitan ng pautang at mag investment ay ang patagong pagpapapasok ng kanilang mga mamamayan upang sakupin at unahan tayo sa mga trabaho. Sa katunayan, nitong Nobyembre ay lumabas ang pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) noong Setyembre kung saan naitalang may 9.8 milyong Pinoy o 22 porsiyento ng populasyon ang walang trabaho. Ngunit sa kabila nito ay 50,000 mahigit na alien working permits kung saan nasa 15,000 dito ay naipagkaloob sa mga dayuhan particular na sa mga tsino. Kaya ngayon ay kanya-kanyang imbestigasyon ang ginagawa ng mga aligagang ahensya ng pamahalaan pati na ng mga organisasyon tungkol sa pagdami ng mga dayuhang mangagawa sa bansa. Dito na nga nadiskubre na sa mga taong 2017 at 2018 lumobo ang populasyon ng mga mangagawang singkit na ito. Dito na rin lumabas na karamihan sa mga ito ay illegal o may mga ginagawang hindi tama. Kaya hindi na rin kataka-taka kung isang araw ay halos Chinese speaking o Chinese looking na ang makakasalubong natin sa daan o sa trabaho. Kahit pa sabihin ng gobyerno na ito ay gagawan ng aksyon, ay kabaha-bahala pa rin ang ganitong pangyayari nagyon pa na mas tumitindi at tumitibay ang koneksyon ng ating mga bansa at parami na rin ng parami ang ating mga utang na loob sa kanila. Ang tanong, hindi kaya nila ito gamiting alas para ma-blackmail tayo o gaya ng sinasabi nilang debt trap kung saan sa huli ay tayo ang magiging kawawa? Matatandaang kamakailan lang ay kakabisita lang ng Pangulo ng china na si Xi Jinping sa bansa kung saan nagkaroon ng pagpupulong kasama ang ating mga opisyal at ang ating pangulo. Loan at investments umano ang kanilang mga naging adyenda. Ngunit ang iba pa ay nanatiling sekreto lalo na sa ating mga ordinaryong Pilipino. Nakakakaba at nakakatakot. Ang tangi nating ngayong asahan ay bago pa man tuluyang lumalala ang problemang ito, (iyan ay kung hindi pa nga ito talaga malala) ay dapat na itong kalusin at agarang gawan ng aksyon dahil sa ngayon ay maraming mga Pilipino ang naghihirap at lugmok sa kahirapan at lalo pa yang madaragdagan kung patuloy na dadami ang mga Chinese workers na aagaw sa oportunidad na makapaghanap buhay ng ating mga kababayan. Sa ngayon habang umuusad pa ang mga imbestigasyon na sana naman ay magdulot ng magandang resulta at pagbabago ay wala pang malinaw na magiging hinaharap. Marapat lamang na maging alerto tayo at ang ating gobyerno sa magiging mga banta sa hinaharap. At tayo naming mga mamamayan ay dapat tayong maging mapagmatyag sa ating paligid at sa mga nangyayaring pagbabago na maaaring makaapekto rin sa ating mga buhay. Magbantay sa paligid. Ngayon ang panahon kung saan kailangan nating mas magkaisa bilang mga Pilipino. Tama na ang pagkakawatak watak lalo pa ngayong may banta sa ating bansa, teritoryo at pati na rin sa ating hanapbuhay. Tandaan natin na ang ating pagkatao bilang mga Pilipino ay dapat na manatili at lalong mas pagtibayin pa. Ni Teo S. Marasigan Tortyur at Iba pang Kalupitan PART 1 (1) Nabasa n’yo na ba ang “The two-year rape of Raymond Manalo” at “Rage,”kambal na kolum ni Patricia Evangelista? Basahin ninyo. Muling ginamit ni Bb. Evangelista ang puwang niya sa Philippine Daily Inquirer at sa website nito para maghatid ng makabuluhang impormasyon at manggising ng marubdob na damdamin sa mga espasyo ng panggitnang saray sa bansa, ng mga Pinoy sa ibayong dagat at maging ng mga dayuhang nagmamalasakit sa bansang ito. Muli, ginamit niyang porma ang literary non-fiction. Siya na siguro ang pinakasikat ngayong gumagamit nito, kahanay ni Jose F. Lacaba, awtor ng librong Days of Disquiet, Nights of Rage na paborito ng mga aktibista. Inaakit, hindi hinahatak, ng estilo niya ang mga nakakabasa na pawang nabubuhay nang relatibong komportable na damhin ang sidhi ng sitwasyong pinagsadlakan sa magkapatid na Raymond at Reynaldo Manalo, kina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño, at ng maraming iba pa sa mga kampong pangtortyur ng militar. May naisulat na dati si Kenneth Roland A. Guda ang “Pagpupunyagi nina Karen at Sherlyn,” batay sa salaysay ng mga Manalo – at may naisulat na rin ako batay sa artikulo niya. Pero binuo ni Bb. Evangelista ang kwento ng pagpapahirap sa magkapatid, at naglahad pa siya ng mga pagpapahirap kina Karen at Sherlyn na hindi naisulat ni G. Guda. Para kang nasugatan nang matindi sa pagbasa ng unang naratibo, hindi nga gumagaling ang sugat pero heto, sinusugatan ka ulit. (2) Grabe, labis-labis, sobra-sobra – ito ang mga salitang malapit sa empirikal na madaling sumagi sa isip para ilarawan ang mga ikinwentong pagpapahirap. Una, lumilitaw na hindi sumasapat ang mga batas at legal na mga aparato ng Estado para kontrahin at labanan ang mga itinuturing nitong kaaway – kaya nga humahantong ito sa “ekstrahudisyal” na mga hakbangin tulad ng pagpatay, pagdukot at pagtortyur. Hindi anomalya, aberasyon o “isolated case” lang ang mga hakbanging ito at hindi lang dahil ginagawa sila sa maraming tao sa buong bansa. Bahagi sila ng paggana at pagtatanggol sa sarili ng sistema – at hindi kataka-takang mga abogado ng sistema ang mga nagtatanggol sa mga ito. Ikalawa, kahit para sa karaniwang ipinagpapalagay o iniisip na mga layunin ng tortyur – tulad ng pagpiga ng impormasyon o pag-amin, o pagpwersa sa biktima na kumampi sa nanonortyur – sobra-sobra ang mga pagpapahirap. O tanga ba ako para isipin, batay sa ilang nabasa, na mayroong teknik sa pagtortyur? Na, kumbaga sa Ingles, may method sa madness na ito? Sa harap ng tila pagbalewala sa mga teknik o metodo ng pagtortyur sa kasong ito, lumilitaw na hindi ang kahit alin sa nabanggit na layuning taktikal ang gustong makamit ng militar. Mahalagang pansining kaiba sa pagpatay at pagdukot na ginagawa sa publiko, ginawa nang lihim ang mga ikinwentong pagpapahirap. Tumakas at nakatakas lang ang magkapatid na Manalo kaya nalalaman ng publiko, at ng isang publikong limitado pa nga, ang mga naganap. Maiisip tuloy na ang tanging kagyat na layunin ng militar sa mga aksyong nailahad ay ang pagmalupitan at salaulain – at ano pa nga ba ang mga salitang mas angkop? – ang mga biktima. Ikatlo, partikular sa ginawa kina Karen at Sherlyn, hindi lang sila pinahirapan bilang tao. Pinahirapan din sila bilang mga babae: Si Karen, “hinubaran ng damit, pagkatapos binugbog, ginamitan ng water torture, pinaso ng sigarilyo at ginahasa gamit ang mga piraso ng kahoy.” Ang mga sundalo, “inaaliw ang sarili gamit ang katawan [ni Sherlyn], pinapasukan ng mga stick ang ari niya…” Kahit sa tortyur, lalo na’t ginagawa ito ng militar – institusyong sentro ng pyudal, militarista at patriyarkal na kagawian – hindi pa rin pantay ang mga kasarian. Kaya nakakatawag ng pansin at lalong nakakarimarim ang isang detalye: “At nakikita mong nanonood ang mga misis ng mga sundalo” habang ginagawa ang pagsalaula. Ano’ng mensahe nito para kina Karen at Sherlyn at sa ating mga nagbabasa? Na, kahit sinasalaula sila bilang babae, hindi sila karapat-dapat sa awa, habag o simpatya ng kapwa-babae – kahit pa mga ina rin siguro ang mga ito, may anak na babae, kumakalinga at nagmamahal. Dahil ano? Dahil bukod sa pagiging babae, may isa pa raw bahagi ang pagkatao ng dalawa: “aktibista,” “NPA,” “simpatisador,” “komunista” – at wala silang pakialam sa pagkakaiba. (3) Sa sanaysay niyang “Lying in Politics” [kasama sa libro niyang Crises of the Republic, 1972], sinuri ni Hannah Arendt, liberal na “teoristang pampulitika” ang tinatawag na “Pentagon papers” – mga dokumento hinggil sa patakaran ng gobyerno ng US sa Vietnam simula noong World War II hanggang noong Mayo 1968, kasama ang panahon ng Vietnam War. Noong una, lihim at di bukas sa publiko ang mga dokumento – mga liham, memorandum, ulat, pag-aaral at iba pa – hanggang sa tinipon sila ng gobyerno ng US at inilimbag ng New York Times. Ayon kay Arendt, makikita sa Pentagon papers na tumpak ang mga ulat ng komunidad ng paniktik (intelligence community) ng US pero hindi dito ibinatay ang mga patakarang ginawa ng gobyerno kaugnay ng Vietnam at Vietnam War. Ayon sa kanya, “ang ugnayan, o, sa halip, ang kawalan ng ugnayan, sa pagitan ng mga datos at desisyon, sa pagitan ng komunidad ng paniktik at ng mga serbisyong sibilyan at militar, ang siya na sigurong pinakasignipikante at siguradong pinaka-nabantayang lihim na isiniwalat ng Pentagon papers.” (Hindi siya naghinalang pagsalba sa wasak na reputasyon ng komunidad ng paniktik ang posibleng layunin ng gobyerno ng US sa paglalabas sa mga dokumento.) Sabi niya, nang sumisipi sa dokumento, patungkol sa Vietnam War, “Malinaw na hindi ito kaso ng ‘limitadong rekurso (means) para kamtin ang matatayog na layunin’… Kaso ito, sa halip, ng di kapani-paniwalang halimbawa ng paggamit ng labis-labis na rekurso para kamtin ang maliliit na layunin sa isang rehiyong hindi gaanong mahalaga.” Komento pa niya sa digmaan: “grabeng pagsisikap na sinayang para lang ipakita ang pagkainutil ng pagiging malaki (bigness).” Mula rito, sinikap ni Arendt na sagutin ang tanong na “How could they?” Paano nagawa ng gobyerno ng US na isulong ang Vietnam War nang, ayon sa kanya, walang intensyong magtagumpay at tapusin ang gera? Sagot niya: “Paano sila magkakaroon ng interes sa kahit anong kasing-totoo ng (anything as real as) tagumpay gayung ipinagpatuloy nila ang gera hindi para magpalawak ng teritoryo o umangat ang ekonomiya, at lalong hindi para tumulong sa isang kaibigan o tumupad sa isang pangako, at hindi man lang para sa reyalidad, kaiba sa imahen, ng kapangyarihan?” Aniya, itinuloy ng gobyerno ng US ang digmaan para patatagin ang imahen nito – ng pagiging superpower ng mundo. Pagkatapos, hinanap niya sa kasaysayan ang ninuno ng Vietnam War. “May mga historyador ngayon na naggigiit na ibinagsak ni [Pres. Harry] Truman [ng US] ang bomba sa Hiroshima [noong katapusan ng World War II] para sindakin ang mga Ruso at itaboy sila mula sa Silangang Europa…” Aniya, sa “krimeng pandigma (war crime)” na ito mauugat “ang pagsasantabi sa aktwal na mga epekto ng aksyon pabor sa kung anong hindi lantad at kinakalkulang layunin.” Itutuloy