SINAG 2020 | Page 37

Sining ni Isabelle Magadia

TEATRONG PATOK SA PUSO NG PINOY ni Ryan Shayne E . Mendoza

Maraming mahahalagang konsepto at isyu ang natatalakay ngayon sa pamamagitan ng pagtatanghal sa teatro . Ito ay isang klase ng sining na hindi lamang makapupukaw sa iyong atensyon ngunit maaari ring makapagpabago ng iyong pananaw sa isang bagay o paksa .
Sino ang hindi natuwa nang malaman na itatampok ang mga kanta ng sikat na bandang “ Eraserheads ” sa isang musikal na likha ni Direktor Dexter Santos at pinamagatang Ang Huling El Bimbo ? Hindi kailangang maging batang 90s upang makasabay sa hatid na saya at makabuluhang mensahe ng istorya . Ang kwento ay umiikot sa tatlong magkakaibigang nagngangalang Anthony , Emman , at Hector sa kolehiyo na hinatak pabalik sa pilit nilang kinakalimutang nakaraan dahil sa pagkamatay ng babaeng biktima ng karahasan na si Joy . Hindi lamang iba ’ t ibang emosyon kagaya ng panghihinayang , pag-ibig , ligaya , at sakit ang mararamdaman sa istorya , kundi ang matinding himok na ituwid ang mga problemang panlipunan katulad ng kahirapan , droga , diskriminasyon sa kasarian , kawalan ng katarungan at iba pang kaugnay sa isyung nabanggit . Siguradong walang maglalakas-loob na hilinging maranasan ang masalimuot na pamumuhay sa ilalim ng kamay na bakal o diktador na pamumuno lalo na kung iyong mapanood ang Dekada ‘ 70 , isang dramang pelikula na nilikha ni Direktor Chito Roño batay sa nobelang isinulat ni Lualhati Bautista , isang batikang manunulat . Ang pelikula ay nagpamalas ng istorya tungkol sa pamilya Bartolome na pilit na nangangapa sa madilim na batas militar na idineklara ng dating Pangulong Ferdinand Marcos noong Setyembre 21 , 1972 . Nasubok ang katatagan ng bawat miyembro ng pamilya na may iba ’ t ibang nais ipaglaban at gawan ng solusyon , nasukat din ang kanilang pagmamahal sa pamilya , at pati na rin sa
bansa . Tampok din ang anyo ng awit ng pag-ibig na kundiman sa isang musikal na nilikha ni Direktor Dexter Santos at isinulat ni Floy Quintos na The Kundiman Party . Ang istorya ay nagsalaysay tungkol sa isang retiradong mang-aawit ng opera na si Maestra Adela kasama ang kanyang mga kaibigang sina Bobby , Antoinette , Mayen , Helen , Mitch , at Ludwig . Kanilang ikinampanya ang The Kundiman Party sa social media upang himukin na talakayin ang mga isyung laganap sa lipunan habang madamdaming inaawit ang kundiman upang ipabatid ang dalang emosyon na gigising sa puso at diwa ng kung sino mang makakarinig . Marami ang sumuporta ngunit kinalaunan , madami ring natakot dahil sa mga negatibong nararanasan ukol sa diskusyong dala nito . Subalit hindi iyon naging hadlang upang sila ay tumahimik at magpasawalang-bahala na lamang , bagkus ay ginamit nilang armas ang paninindigan at matinding pagmamahal para sa Pilipinas upang mas marinig pa ng taumbayan .
Iba ’ t iba man ang alindog at tema sa mga nabanggit na drama at musikal , iisang panawagan naman ang nais nitong ipabatid , at iyon ay huwag matakot tanggalin ang piring na pilit inilalagay ng mga mapagsamantalang tao sa lipunan upang ikaw ay patuloy na makuntento sa kung ano ang nakikita . Huwag ding matakot alisin ang lubid na iginagapos sa iyong kamay at paa upang hadlangan ang mga aksyon na maaari mong gawin para simulan ang pagbabago . Kaya sadyang napakahalaga ng mga ganitong klaseng sining dahil ito ’ y nagiging bintana ng nakaraan , kasulukuyan , at kinabukasan . Nasa atin na lamang bilang mamamayan , kung tayo ay sisilip lamang o dudungaw at matapang na tatalikod kaakibat ang bagong mithiin .
TAMPOK
Pauliworld 28