SINAG 2020 | Page 20

MODELONG PAULIPINO
FEED TO BUILD ni Renee Mascareñas
Kasabay ng paglaganap ng COVID-19 sa bansa ay ang pagdurusa ng mas maraming mamamayang Pilipino . Dumarami ang mga nahawaan ng nakamamatay na sakit , tuluyang nahihirapan ang ating mga frontliners , at mayroon pa ring kakulangan sa mga pasilidad ng mga persons-under-investigation ( PUI ). Bukod dito , marami rin ang nawalan ng trabaho kaya mas dumami ang mga nahirapang matustusan ang mga pangangailangan ng kanilang mga pamilya . Dito nagmula ang inisiyatibo ng mga alumnae ng St . Paul College Pasig na “ Feed to Build ”, sa pamumuno ng ilang mga miyembro ng Batch 2004 , 2008 , 2009 , at 2011 . Ang layunin ng programa ay ang makalikom ng pera para sa mga proyektong nakasentro sa pakikipaglaban ng bansa sa pandemya .
Ito ay isang kolaborasyon kasama ang WTA Architecture and Design Studio , ang kumpanyang nagdisenyo ng mga Emergency Quarantine FacilitiWes ( EQF ) na isinagawa sa Luzon . Ang EQF ay isang istruktura kung saan nananatili ang mga isinasailalim sa self-quarantine . Ito ay nabubuo sa loob lamang ng limang araw sa tulong ng dalawampung manggagawa , ngunit ang kanilang pondo para rito ay sapat lamang para sa mga materyales na kinakailangan at hindi para sa pagkain ng mga trabahador .
Ayon sa kanilang mga pahayag , sa halagang P750 , buong linggong mapapakain ang isang manggagawa . Pagkatapos ng lahat ng promosyon at panghikayat , sila ’ y nagtagumpay at nakamit nila ang target na P540,000 , at ito ’ y nakatulong sa pagpapatayo ng 62 na EQF noong Abril .
FEED THE FIGHT WITH JUNE BABIES ni Laurein Mateo
Ating mapapansin ang matinding pagod ng mga frontliners pagkatapos ng dire-diretsong pagtatrabaho kung saa ’ y bawat minuto ay may pasyenteng kailangang paglingkuran . Totoo na sa kanila ipinagkatiwala ang pinakamabigat na papel ngayong pandemya — ang maging pangunahing depensa laban sa COVID-19 .
Ang pagpupunyagi nila ’ y napansin ni Mariane Ylagan mula sa Batch 2019 , at ang kanyang mga kaibigan na sina Shotaro Paul Akehira , Paco Berba , Nicole Anne Cobarubbias , Czarina Endaya , Tim Gamez , Miguel Sulit , at Alia Yao . Sinimulan nila ang “ Feed the Fight with June Babies ,” noong Hunyo , ang kanilang buwan ng kaarawan .
Ang lahat ng nalikom na donasyon ay ibibigay sa Frontliners ’ Kitchen , isang organisasyong naghahanda ng pagkain para sa mga medical frontliners ng mga ospital sa Kalakhang Maynila . Kinikilala ng June Babies na malaking tulong ang naihahatid ng piniling benepisyaryo upang masuportahan ang mga manggagawang bawat araw ay nag-aalay ng dugo , pawis , at luha para sa sambayanan . “ Alam namin na ito ang pinakamahirap na trabaho sa kasalukuyang sitwasyon , at ginusto naming mapadali ang kanilang pinagdadaanan ,” wika ni Mariane . Inaasahan din ng grupo na sila ’ y magsisilbing inspirasyon para sa iba na tumulong o magsimula rin ng sarili nilang proyekto .
Nakalikom ng P16,300 ang Feed the Fight with June Babies , at katumbas ng halagang ito ay ang pagkain ng 306 frontliners . Subalit , ito ’ y kapos sa unang layunin na P20,000 na kalauna ’ y ibinaba sa P15,000 . Bagaman ikinalungkot ang kinalabasan , nauunawaan nila na lahat ay naghihirap sa panahong ito . Ngunit , lubos pa rin silang nagpapasalamat sa mga nagbigay ng donasyon sa kanilang munting proyekto . Nasiyahan din si Mariane nang marinig ang balita na itutuloy ng Frontliners ’ Kitchen ang proyekto sa mga susunod na buwan .
Makalipas ang dalawang buwan , nakikita pa rin ni Mariane ang mga post ng mga kaibigan niyang nagsisimula ng kani-kanilang fundraiser . Ngunit , mahaba pa ang tatahaking daan ng frontliners sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 , inaatasan tayo na manatili lamang sa bahay at gawing kaugalian ang social distancing tuwing lumalabas . Ipinahiwatig ni Mariane na “[ k ] ung hindi tayo magkakaisa at gawin ang napakasimpleng bagay na ito , [ mawawalan ng silbi ] ang lahat ng mga donasyon sa mga organisasyon ”.
15 Sinag / Inilapat ni Anya Imbuido