SINAG 2020 | Page 19

Bisa ng Pagrerebisa

ni Althea M . Sim
Ano-ano nga ba ang mga pinaggagagawa ni Andrea Salvador ? Aba , napakarami ! Maliban sa pagiging manunulat sa “ Tahanan ng OPM ”, inilunsad ni Andrea sa kanyang Twitter
account ang sarili niyang proyekto . Layon ng proyektong ito ay ang magbigay ng serbisyong-patnugot sa mga gustong iparepaso ang anumang uri ng panitikang tumatalakay sa COVID-19 . Ang bayad ? Ebidensya ng donasyon sa mga organisasyong tumutulong sa mga apektado ng pandemya . “ Mga manlilikha ang karaniwang hinihingan ng komisyon ,” wika niya . “ Bihira lang makakita ng ganitong uri ng suporta sa mga manunulat — wala namang nagpapakomisyon para sa maiikling kuwento o tula ”.
Kaya naman naisipan ni Andrea na gumawa ng panawagan sa mga gustong magpasulat o magparebisa sa kanya . “ Gusto ko sanang ipaabot ang aking abilidad sa mga nangangailangan ng gabay sa pagsusulat , habang sinusuportahan ang mga organisasyong tumutulong sa pagsugpo ng COVID-19 sa Pilipinas .”
Ang konseptong ito ay hango sa online magasin na pinaglalaanan niya ng serbisyong-patnugot . Aniya ’ y , “ Sa magasin na iyon , inaalok nila ang mabilis at detalyadong
feedback sa mga nagsusumite ng kuwento , basta ’ t may patunay ng donasyon sa kahit anong organisasyong sumusuporta sa Black Lives Matter ”. Simple lang naman daw ang paglapat ng ideyang ito sa isang bagay na mas malapit at personal — ang COVID-19 sa Pilipinas .
Nang itinanong ang kanyang layunin para sa iskemang ito , nais niya lang talagang tumulong sa mga pinahirapan ng pandemya . “ Ako ay may pribilehiyong mamuhay nang komportable — ‘ di tulad ng iba . [ Ito ang nag-udyok ] sa ’ kin na umaksyon .”
Sa mga Paulinian na nais sumunod sa kanyang yapak , inaanyayahan niya kayong umaksyon din . “ Lahat ng ito ay nadadaan sa diskarte , kahit na ikaw ay naka-quarantine , kung may internet ka at may koneksyon sa mga kamag-anak mong kasapi ng isang organisasyon , o nakatiyempo sila ng donation drive sa TV o radyo , kaya mong gampanan ang iyong tungkulin !” kanyang abiso . “‘ Wag i-romanticize ang sitwasyon ng COVID-19 [ at ] alamin ang iyong pribilehiyo . ‘ Wag mong purihin ang sarili sa iisang kawanggawa , marami ka pang pupuwedeng gawin . ” kanyang iginiit .
Pauliworld
MODELONG PAULIPINO
14