SINAG 2020 | Page 18

Sa Kislap ng Puso ng Isang Mangguguhit

ni Paula Calingasan
MODELONG PAULIPINO
Ngayon na karamihan sa atin ang lubos na naapektuhan ng mga gusot sa lipunan , kailangan natin ng mga Pilipinong magsisilbing inspirasyon at handang humarap sa mga napapanahong isyu . Isa sa mga dakilang Modelong Paulipino ngayon ay si Pia Tantamco .
Sabi nga nila , “ libo-libong salita ang hawak ng isang litrato ”. Naging layunin ni Pia ang paggamit ng kanyang sining upang mabigyang-pansin ang mga napapanahong suliranin . Nais niyang magsilbing tulak ang kanyang mga gawa upang sumali ang iba sa labang patungong katarungan .
“ Bagama ’ t ako ’ y nasa murang edad pa lamang , hindi ko kayang manahimik sa oras ng pagkawala ng karapatan ng aking mga kababayan ,” ika ng mangguguhit . Sa kanyang palagay , ang pagiging bokal ng mga manlilikha ay nakapanghihikayat ng iba pang tagasining na sumali sa mga organisasyong tumutulong sa mga higit na nangangailangan .
Ilan sa mga isyung ipinaglalaban niya ngayon ay ang malayang pamamahayag , paghinto sa mga makapangyarihang maniniil , at ang kaligtasan ng mga estudyanteng menor de edad . Bukod dito , siya rin ay naglingkod sa tatlong benepisaryo . Unang-una , sa “ Sanitation & Shelters ” kung saan ang kanyang komisyon ay ihinandog para sa pagbili ng mga modular tents at sanitation pods para sa mga LGU at mga pamilyang walang matirhan . Pangalawa , sa “ Nayong Nakalaya ”, kung saan ang komisyon mula sa kanyang mga gawa ay nagbigay-tulong sa mga taga-San Roque at sa mga paaralan ng mga Lumad . Panghuli naman ay ang “ Fiesta Greetings Inc .” kung saan siya ’ y gumawa ng disenyo para sa mga Christmas Cards upang mapatibay ang layunin ng organisasyong makapagbigay ng mumunting pag-asa at kasiyahan sa mga mamamayan .
Kakaibang lakas ang naipadadala ng mga tagasining gamit ang kanilang mga lapis at pintura . Nais ni Pia na ialay rin ng iba pang mga artista ang kanilang abilidad na lumikha para sa kabutihan . Nakikita niya ang kislap sa puso ng iba pang mga mangguguhit , at ipinapahatid niyang huwag silang matakot sapagkat sila ’ y ‘ di nag-iisa sa labang ito .
13 Sinag / Inilapat ni Frances Angeles