Obra
Ni: Jowenz Tereeze B. Canda
“Malapit na ‘ko. Sampung minuto na lang.” ang sabi ni Sabelle. Napagkasunduan kasi naming mamasyal sapagkat ilang linggo na lamang ay maglalagi na siya sa ibang bansa sa loob ng isang taon. Habang ako ay naghihintay, nagpasya akong magikot-ikot sa museo. Maglalakad-lakad lamang pampalipas ng oras. Nakuha ng atensyon ko ang isang nakapagtatakang obra. Pininta ito ni Salvador Dali na kanyang pinamagatang “The Persistence of Memory”.
Habang pinagmamasdan ko ang obrang ito, napagisip-isip ko, “Ano nga ba ang nais ipahiwatig ng obrang ito?” dahil ang tanging nakikita ko lamang ay mga orasang unti-unting natutunaw. Nagmasid-masid ako sa aking paligid. Mainit-init ang yakap ng hangin. Maningning ang mga ilaw na nakapaligid sa mga obra. Malawak ang paligid na maaaring maraanan sapagkat kakaunti lamang ang tao rito sa museo. Iba’t-ibang mga klase ng mga larawan ang makikita rito. Mayroong kaakit-akit, mayroong nakakabagot, mayroong masigla at mayroong walang buhay.
Napansin ko ang isang batang umiiyak habang pinagsasabihan ng kanyang ina. Nasangga niya
ang istatuwa at nabasag. Tumatakbo kasi ang bata. Ngunit nakapagtataka nga lamang kung paano nabasag ang istatuwang ito. Yari naman ito sa bato na paniguradong matibay. Sayang naman at nabasag lamang. Mamahalin pa naman siguro ito.
Nadinig ko naman sa aking kaliwa ang paglagapak ng cellphone ng isang nagmamadaling lalaki. Napatingin kaagad ako. “Naku! Sayang!” ang sabi ko sa aking sarili. Kitang-kita sa mukha ng lalaki na mahalaga sakanya ang bagay na iyon. Pinulot niya ang kanyang telepono at nagpatuloy sa paglalakad. Sinundan ko siya ng tingin. Napailing ako nang itapon niya ang kanyang telepono sa basurahan sa may sulok.
Napokus ulit ang aking paningin sa obra ni Dali. Napangiti ako. Napagsama-sama ko ang diwa ng aking mga namalas at ng obrang ito. Naging malinaw sa akin na ang lahat ng bagay, bagamat mukha itong matibay at kapaki-pakinabang, ay darating rin sa puntong kukupas, mawawala o ‘di naman kaya’y masisira at mawawalan ng silbi.
Tumunog ang aking telepono at agad-agad ko itong sinagot. Dumating na si Sabelle. Lumabas ako ng museo at nakita siya. Hinawakan ko ang kanyang kamay, tumingin sa kanyang nagniningning na mga mata at sinabing “Happy 7th Anniversary”.