d 1 | Page 16

Litrato

Jowenz Tereeze B. Canda

Alas kuwatro na ng madaling araw at sinimulan ko ng buksan ang maliit na karinderyang iniwan sa akin ni nanay dito sa Hidalgo Street sa Quiapo Maynila. Tahimik pa ang kalye. Hindi pa ganoon karami ang mga mamimili at sasakyang dumaraan. Nagsisimula pa lamang mag-ayos ang mga tindero, tindera’t maglalako. Malamig pa ang hangin kaya naman naghanda na ako ng paborito kong kape. “Magandang umaga sa’yo Ana!” wika ni Manong Cesar, ang katulong ko rito sa kainan, habang papasok siya sa loob ng karinderya. “Isa na namang nakakapagod na araw ang naghihintay sa atin, ano?” dagdag pa niya. “Oo nga ho e. Buti pa noong nabubuhay si nanay, maayos ang lahat.. Kayang-kaya niya.” Araw-araw kong iniuugnay si Nanay sa lahat ng ginagawa ko. Siya lamang kasi ang nag-alaga sa akin mula pagkabata. Pumanaw na kasi si tatay matapos akong ipanganak. Kaya naman palagi ko siyang hinahanap-hanap.

Narinig kong tumunog ang mga kuliling sa taas ng pintuan habang ako ay naghuhugas ng mga pinggan sa loob ng kusina. “May tao na agad? Kabubukas ko lang ah.” Dumungaw ako sa maliit na bintana sa may kusina upang tingnan kung sino ang dumating. “Narito na naman ang babaeng ‘yon.” Wala talagang araw na ‘di ko siya makikita rito. Panigurado kape’t tinapay pa rin ang bibilhin niya at malamang aabutan na naman siya ng gabi rito. Nilapitan ko siya at ginawa ang madalas kong ginagawa. “Magandang Umaga! Ano po order niyo?” “Kape’t tinapay na may tuna.” Sagot ng babae. “Iyon lang?” at tumango ang babae. “Sige..” Wala pa ring pinagbago.

“Masarap siguro talaga ang luto namin kaya’t pirme ang pagbili’t balik niya rito.” Ang mapanuyang bulong ko sa sarili.Makalipas ang ilang oras, dumating na rin ang ibang mga kostumer. Order rito, order doon. Maingay na sa lugar na ito, gaya ng karaniwan. Napatingin ako sa babae. Nanatili pa rin siyang tahimik na parang walang tao sa kanyang paligid. Tila ba’y may malalim siyang iniisip o ‘di naman kaya’y mayroon siyang hinihintay na kung

“E kung lapitan ko kaya at kausapin? Nakakaawa kasi.. baka makatulong ako.” Napagisip-isip ko. “Ate! Ate! Tatlong barbeque at isang rice!” sigaw ng isang kostumer at natigil ang pag-iisip ko.

Mag-aalas otso na at magsasara na kami. “Ako na ho rito Manong Cesar. Mauna na ho kayo, alam ko hong hinihintay na kayo ng pamilya niyo.” Sabi ko sa kanya. “Maraming Salamat Ana! Mag-iingat ka rito. Una na ‘ko.” “Sige ho.” Pagod na pagod na ako at gusto ko ng magpahinga. Salamat naman at tapos na itong araw na ito. Ikakandado ko na sana ang pintuan nang bigla kong makita ang babae. Nakatulog pala siya. “First time ah.” At napangiti ako. Nilapitan ko siya at ginising. “Miss.. Miss.. Umuwi ka na, Gabi na.” at nagising siya. “Ay pasensiya na. Sige alis na ‘ko.” Dali-dali siyang tumayo at lumabas. Napansin ko na lamang na naiwan niya sa upuan ang librong dala niya. Hinabol ko siya upang isauli ang libro. “Miss! Miss! Naiwan mo!” buti na lamang at naabutan ko pa siya. Nang iaabot ko na ang libro, nahulog ang isang litrato ng isang babaeng may hawak na dalawang bata. Kinuha ko ang litrato at laking gulat ko ng mapagtanto kong si Nanay ang babaeng ‘yon. Namukhaan ko rin ang sarili ko sa litratong ‘yon. Ngunit sino ang isang batang hawak niya? Dahil sa aking pagtataka, tinanong ko ang babae.