Guro
Christine Diane Cabonce
Paaralan. Sabi nga nila ito raw ang ating pangalawang tirahan. Ang ating mga guro ang ating mga pangalawang magulang at ang ating mga kaklase at kaibigan ay maituturing nating mga kapatid. Dito tayo natututo ng mga mahahalagang mga aral. Minsan ay nagkakamali tayo at may mga problemang dumarating sa ating buhay. Dahil dito ay nararamdaman nating nawawalan na tayo ng pag-asa, ngunit natural lamang ang mga pagsubok na ito dahil sa bawat pagsubok na ating nalalampasan ay mas lalo tayong tumatatag at natututo ng mga bagong aral na mahalaga sa ating paglaki.
Ika-8 ng Hunyo 2009. Unang araw ko ito sa aking trabaho bilang isang guro sa haiskul. Pumasok ako sa silid-aralan at binati ko sila ng nakangiti ngunit may halong kaba. “Magandang umaga sa inyo. Ako si Tin Golez at ito ang una kong taon sa pagtuturo. Nagagalak akong makilala kayo.” Sa lahat ng mga estudyanteng nasa silid na iyon ay may nakasungkit ng aking atensyon. Siya si Pedro, matalino at mabait. Labing-walong taong gulang na siya ngunit nasa ikatlong taon pa lamang siya ng haiskul.
Agosto 2009. Dalawang buwan na ang lumipas mula sa aking unang pagpasok sa trabahong ito. Naging mabuti ang aking relasyon sa aking mga estudyante at masaya kami. Sa buwan na iyon ay nagtaka ako kung
kit nagiging madalas na ang pagliban ni Pedro sa klase. Pinuntahan ko siya sa kanyang bahay at natuklasan kong naghiwalay pala ang mga magulang ni Pedro kaya nagtatrabaho siya upang matulungan ang kanyang ina.
Setyembre 2009. Nadaanan ko si Pedro sa labas ng isang tindahan, nagbabasa ng aklat. Kinausap ko siya at sinabi kong tutulungan ko siya sa kanyang pag-aaral. Ayaw kong masayang ang kanyang mga pangarap at talino.
Nakapagtapos na si Pedro at naging maayos ang kanyang buhay. Sa kasalukuyan ay may-ari na siya ng isang malaking kompanya. Nagsimula siya sa isang maliit na bentahan ng mga parte ng sasakyan hanggang sa lumago ito at naging isang sikat na kompanya. Hindi ako makapaniwalan na ang binatang iyon na dating naghihirap ay napakayaman na. Tumutulong siya sa mga organisasyon at mga pampublikong paaralan. Natupad ang kanyang mga pangarap at masaya ako. Masaya ako na kahit sa isang sandali ay naging parte ako ng pag-unlad ng kanyang buhay. Siguro ay ito na nga ang sinasabi nilang masasayang mga biyaya ng pagiging isang guro. Ang makita ang iyong mga estudyante na malaki na at kaya nang tumayo sa sarili nilang paa. Simula sa pangyayaring iyon ay nabago na ang pananaw ko sa buhay. Nagsikap rin ako, at sa panahong iyon, ako ang naging estudyante. Ako ay tinuruan ni Pedro na kahit anong mangyari ay hindi dapat sumuko. Nagtrabaho siya habang nag-aaral, kahit pa naroon at sariwa pa ang sakit ng ginawang pang-iwan ng kanyang ama sa kanila ay ipinagpatuoy niya pa rin ang kanyang buhay.