Ang Bantayog Bantayog | Page 6

HUNYO- NOB. 2017

6 LATHALAIN

HUNYO- NOB. 2017

Salot

AUBREY JANE C. DELFIN
Mariin kong pinanghahawakan ang kagustuhang makilala at tingalain ng iba. Gawing idolo ng nakararami. At purihin ng bawat isa. Nais kong marinig ang matatamis na salitang nagsisilbing musika sa aking pandinig. Subalit nang dumating ang takdang araw ng aking pagharap sa publiko, sumambulat ang nakalulumang katotohanan na hanggang pangarap na lamang ang mga iyon. Inulan ako ng matutulis na salitang tumatagos sa aking puso na nag-iiwan ng permanenteng marka. Ibinuhos sa akin ang balde-baldeng panlalait na dumudurog sa puso kong puno ng paghihinagpis. Isinampal ang reyalidad na wala akong karapatang umani ng papuri mula sa iba. Napagtagumpayan nilang iparamdam sa akin ang malubhang panghuhusga dahil sa aking panlabas na itsura. Kesyo maitim raw ako.
Nagkamali ako at inakala kong makikita ng ibang tao na ginawa ako para sa mas magandang dahilan. Na hindi perwisyo ang dulot ng aking pananatili. Ramdam na ramdam ko ang pagiging estranghero sa mundong inakala kong akin. Paulit-ulit na gumuguhit ang sakit sa tuwing ako’ y tititigan ng mga mapanghusgang mata sa paligid. Pilitin ko mang ipinid ang aking sarili ay puro reklamo pa rin ang aabutin. At sa mga gabing mailap ang antok ay lalo akong nabubuhay. Todo sermon ang abot ko lalo na sa mga kabataan. Masakit mang isipin na hindi ako magawang tanggapin ng lipunang aking ginagalawan ay pilit kong ipinagsisiksikan ang aking sarili pagkat ito ang kapalaran na ibinigay sa akin. Kahit na minsan ay gumagawa pa ang iba ng paraan upang mabura ako sa mundong ibabaw at malutas ang suliranin ukol sa akin. Hindi ko lubos na maintindihan kung ano ang nakikita nilang mali sa akin. Na hindi nila magawang magbukas ng pinto.
Harapang ipinapamukha ang pagtatakwil nang walang alinlangan nang hindi iniisip na ako’ y isang parte nila. Isa ako sa mga naghihirap na wala ni konting tinig upang maiboses ang kagaspangan ng aking buhay. Ang buhay kong ninais lamang na sumabay sa agos at maging bahagi ng iba. Ako ang palaging daing ng bawat isa pagmulat pa lamang ng mata. Dala ng sobrang antok ako’ y lumilitaw, ang iyong eyebugs.

Patak ng Pag-asa ni Eloisa Jane L. Bautista

Habang tirik na tirik ang haring araw, ako’ y bumangon mula sa dagat ng kasiyahan at ilog ng kalungkutan. Pagiging ignorante ang nangibabaw sa aking kalooban. Walang sagot sa tanong kung bakit ako nagdurusa kung saan kakampi ko’ y mga taong nagluluksa. Ngunit isa lang ang nais kong mabatid iyon ay kung bakit siya ginawa?
Palagi kong tanong kung katulad ba nito si Alfred Wegener na naging interesado sa kung paano nabuo ang mga kontinente sa mundo. Kagaya ba ito ni Marco Polo na nilakbay ang bawat bansa mapa Tsina, Japan, Malaysia, Pilipinas man o Korea?
Nakikita kasi niya ang kilos ng bawat taong ramdam ang mga pighating nararanasan ng mundo. Sa wari niya’ y siksik sa problema ang mga mamayan gayun din ang mga kaawa-awang halamang taon-taong namamatay dala ng matinding galit ng haring araw. Bagama’ t kasabay niya ang pagdating ng bagyo, hatid naman niya ay pag-asa sa mga panahong naghihingalo na sa init ang mundo.
Siya o sila man ay palaging naghihintay na mapuno ang sasakyan upang makapaglakbay sa paroroonan sa lugar na kung saan matatagpuan ang iba’ t ibang uri ng nilalang na sabik na naghihintay sa kanilang pagdating. Dinaanan na nila ang mga masusukal na daan at tiniis ang mga nakasusulasok na amoy ng imbornal. Nakasalubong na nila ang mga dagang naghihiyawan sa tuwa habang lumalangoy. Mga palakang nagkakantahan at mga nakatutuwang asong takot mabasa kaya’ t sa mga kabahayan lamang nakatambay.
Kaya’ t naibulong ko sa sarili kung bakit hindi na lang makisabay sa agos ng buhay, sa bawat patak ng ulan at ng bagyong pwede namang kumalma at maghatid ng ligaya. Itong buhos ng ulan na minsan nang lumunod sa akin subalit nagdala ng kapayapaang lubusan kong pinangarap. Ulan na naging patak upang magising ang natutulog kong pag-asa.

Baha

Jericho V. Caminong
Marisyu! Tumambad sa akin ang tila isang pantasya … pantasya ng mga kulay na umakit sa aking mga mata. Uy, may naririnig ako … ang banda! Ang sarap pakinggan ng saliw ng tunog ng tambol at sa mapanghalinang harmonya ng mga silopono. Mga maririkit na dilag ay sumasabay sa ritmo ng tugtog habang iwinawagayway ang mga bandera. Napakasaya ng araw na ito! Para akong nasa kalagitnaan ng alapaap.
Nasilayan ko ang matatamis na ngiti ng mga taong naroroon. Sumusunod sa paradang napakahaba ng iba’ t ibang pangkat. Langkay-langkay silang naglalakad pero makikita ang mahigpit na bigkis ng samahan. Hala! Nakasakay ang isang tanyag sa sasakyan habang dinadaanan ang naghihiyawang karamihan. Magaling daw siyang magluto.
Dumako naman ako sa plasa. Nakita ko ang mga nakahilirang puting tolda. Nagtitinda sila ng mga luntiang pananim, mga pataba, prutas at gulay at iba pang produktong agrikultura. Mayroon ring nagbibidahang street foods. Usok pa lamang ay malalasap mo na ang linamnam ng mga pagkain. Sa tabing bahagi, nakita ko ang nagmistulang bahagharing mga payong sa mga alambre, nagbibigay-lilim sa kaalinsanganan ng panahon, at ang higanteng balloons na hango sa iba’ t ibang kulay.
Tuwang-tuwa talaga ng mga tao lalo na nang makita ang mga binabaeng nakagayak sa malikhaing kasuotan na nagpapakita sa taglay na mayamang kultura.“ Uy, sura!”-Narinig ko sa mga kalalakihan habang humihiyaw.
Napanood ko naman ang kagila-gilalas na inihandang pagtatanghal na nagpatindig sa aking balahibo lalo na nang kumanta si Melanie Cinco na isang napakahusay na mang-aawit.