Hindi lamang puro kasamaan ang namamayani rito sa mundong ibabaw. Hindi lamang kaguluhan at maruming kapaligiran ang iyong makikita sa araw-araw na pagmamasid sa ating lipunan. Nariyan pa rin ang mabubuting tao, mga taong tapat na gumaganap sa tungkuling sa iniatang ng Maykapal noon pa man.
Kabilang si Ka Rolando De Leon, 70 taong gulang, sa natatanging hanay ng mga boluntir para sa kapaligiran. Isinilang noong Marso 12, 1945, hindi niya alintana ang kanyang edad sa kanyang pakikiisa sa pagsagip at pangangalaga sa mga ilog. Para sa kanya, ang taon ay numero lamang. Katawan at puso ang iniaalay sa paggawa.
Nagsimula ang kanyang pagtulong nang minsang makita niya ang isang grupo ng mga concerned citizen na tinatawag na Ibaan Volunteers, sa pamumuno ni Manolito Sulit, habang pinaghihirapan nilang linisin ang ilog malapit sa kanyang tahanan. Namayani sa kanyang puso ang hangarin ng “pagbabago.” Kasiyahan ang kanyang natamo sa tuluyang pagsama sa grupo.
Napakalaking kontribusyon para sa kanya na siya’y maging isang boluntaryo. Hindi siya nagpatalo sa sakit ng katawan na maaaring makuha sa ilang oras na paglilinis ng ilog, malapit man o malayo. Ang bawat paglusong, pag-ahon at paglalakad ay itinuturing niyang ehersisyo. Ang akto ng paglilinis ay mistulang gamot para sa kanya na nagtataboy sa anumang karamdaman at nagpapalakas sa kaniya.
Paalala ni Ka Lando, “Huwag nating panatilihing marumi ang ating kapaligiran. Huwag tayong magtapon ng mga diaper at dumi ng mga hayop sa mga ilog. Ang kalikasa’y inaalagaan, hindi ito basurahan.” Gayundin, binabalaan niya tayo: “Huwag nating hayaang mapuspos pa ng galit si Inang Kalikasan. Muli natin siyang mahalin at alagaan. Tumulong tayo hanggang maibalik natin ito sa dati.”
Sa simula’y isa lamang siyang ordinaryong matanda, nagmamasid, nag-aantay. Hanggang sa dumating ang napakagandang pagkakataon. Pakiramdam niya, nabigyan siya ng bagong misyon. Nagkaroon na naman ng panibagong kahulugan ang kanyang buhay. Ang kanyang tahimik na daigdig ay masayang nabulabog ng mga agos, nahawan ang mga sukal sa kanyang kalooban. Unti-unti, nagkakaroon ng mas magandang katuturan ang bawat araw kay Ka Lando dahil sa umusbong na pagmamahal sa kalikasan.
Unti-unti na niyang naipagmamalaki ang munti niyang ambag sa katuparan ng isang dalisay na layunin. “Isa ako sa naglinis niyan!” Napakasarap pakinggan, aniya.
ANG BAGONG MISYON NI KA LANDO
4
ni Miraflor Perez,
mag-aaral, DJAPMNHS
Sa ikapitong araw, Siya’y nagpahinga. Anim na araw Niyang ginawa ang buong kalupaan at katubigan, ang mga puno’t halaman, mga hayop, mapalupa man o kalangitan. Mula sa alikabok ay Kanyang nilikha ang isang napakaespesyal na nilalang: ito ay ang tao—ang siyang naatasang mangalaga sa buhay ng lahat ng Kanyang nilikha.