Nang itanong ko sa ilang estudyante sa aming eskwelahan kung bakit sila dapat mag-aral na mabuti, ilan sa kanilang sagot ang pagkakaroon ng kaalaman upang magkaroon ng magandang buhay, makabili ng materyal na bagay at makatulong sa pamilya. Iyan ang karaniwang motibasyon nila sa pag-aaral.
Subalit hindi nasasalamin sa ikinikilos ngayon ng karamihan sa mga kabataan ang ganitong pagganyak. Ayon nga sa ibang guro, basta lang daw sila pumapasok. Gusto nilang nasa paaralan subalit hindi naman gaanong kadedikado sa pagsasabuhay ng kanilang papel bilang mag-aaral. Katulad din ng mga obrero, manggagawa o propesyon ang pag-aaral. Kapwa may trabahong dapat pagbutihin upang magkaroon ng magandang bunga. Ang mga manggagawa upang magkaroon ng magandang produkto. Ang mga propesyunal at linya ng serbisyo upang makapagbigay ng de kalidad na paglilingkod.
Ang totoo, maraming kulang sa motibasyon o wala talagang pagganyak. Lahat ay may hangad na matuto. Mayroon pero hindi lubusan. Totoong hindi nagbubuti ang batang kulang sa pagganyak. Pero lahat ay may pagganyak sapagkat ang mga bata ay may mga hangad sa buhay. Ang interes na iyon ang dapat bigyan ng direktiba upang maitsanel sa ibat ibang tunguhin ng pagpupunyagi.
May tatlong uri ng motibasyon: extrinsic, intrinsic at motibasyong pansarili. Nagmumula sa panlabas na impluwensiya ang extrinsic tulad ng materyal na bagay, salapi, magkaroon ng pabuya o maiwasan ang parusa at hindi magandang kahihinatnan. Kabaligtaran naman ang intrinsic. Personal na satisfaction ang tinutugunan nito tulad ng pagbabasa dahil naaaliw at may kaalamang nakukuha, at pagbibigay ng solusyon sa math problems dahil challenging at exciting.
Ayon sa pag-aaral, ang sobrang paggamit ng extrinsic na pagganyak ay nakababawas ng intrinsic o pansariling kalooban upang pag-ibayuhin ang gawain. Kaya kapag ang bata ay ganap nang ganyak sa pagbasa at patuloy na binibigyan ng materyal na bagay kapalit ng pagbabasa, maaaring mabawasan ang interes nila sa pagbabasa sapagkat tila binibigyan ng katumbas na bagay ang kanilang pagkahilig sa pagbasa.
Ayon pa rin sa pagsasaliksik, kapag intrinsically motivated na ang bata, hanggat maaari, iwasan na ang patuloy na pagbibigay ng extrinsic rewards. Bagkus, tanggapin at himukin ang bata na ipagpatuloy ang kanyang ginagawa hanggang sa normal nang maging bahagi ng kanyang buhay.
Ang motibasyong pansariii naman ay tumutukoy sa kakayahan ng taong maisagawa ang kanyang trabaho o mga bagay na dapat niyang gawin nang hindi nangangailangan ng patnubay o impluwensiya ng ibang tao o pagkakataon. Ang taong may motibasyon sa kanyang sarili ay kumukuha ng lakas sa kanyang determinasyon, kahit may mga sagabal, hindi na kailangan ang gabay ng iba. Ito ay personal na panuntunan na may kinalaman sa emotional intelligence.
MOTIBASYON: Paano Gaganyaking Mag-aral ang Inyong mga Anak
Ayon kay Daniel Goleman, isang awtor, may apat na elemento na bumubuo sa motibasyon: personal drive to achieve o pagnanais na makamit ang layunin o minimithi, commitment o pagpapanatili ng sarili sa kanyang ninanais o layunin ng kanyang organisasyon, initiative o pagkukusa, at optimismo o pagpapatuloy ng ginagawa kahit may oposisyon o suliraning humahadlang.
Sa aking pakiwari, lubhang kailangan ang tamang motibasyon sa mga batang mag-aaral gamit ang mga nakasaad na paraan ng pagganyak. Ito ay kailangang magsimula sa pamilya. May napakahalagang papel na gampanin ang magulang upang maipaunawa kung bakit dapat mag-aral nang mabuti.
Una, gabayan ang mga bata na lubusang makilala ang kanilang sarili. Tumulong sa pagtuklas ng kanilang kakayahan at ipaunawa na may mahalagang papel sila bilang anak at bilang mamamayan. Hindi lahat ng magulang ay naisasagawa ito at iniaasa na marahil sa paaralan ang pagmumulat na ito.
Ikalawa, magkaroon ng regular na pag-uusap. Kumustahin ang kanilang pag-aaral. Tumanggap ng mga reaksyon sa kanilang karanasan. Iwasan ang paggamit ng “dapat” at “kailangang ganito”. Gabayan sila sa pamamagitan ng pamatnubay na tanong tungo sa pagkakaroon ng sariling reyalisasyon. Sa ganitong paraan, matututo silang mahalin ang pag-aaral.
Ikatlo, unawain ang kanilang kahinaan. Ang paninisi at pamumula sa kanilang pagkakamali ay maaaring magbulid upang mawalan sila ng interes sa pag-aaral at hindi na magpatuloy na gawin ang makakaya sa mga gawaing pampaaralan.
Ikaapat, laging pahalagahan ang pagsisikap sa pag-aaral. Maaaring gumamit ng papuri subalit maging pokus sa ginawa at pagsisikhay sa halip na sa naging bunga ng pagsisikap. Lahat ng bata gustong pahalagahan ng magulang. Sa ganitong paraan, nakasentro ang atensyon sa pagmamahal sa kanilang ginagawa at hindi gaano sa magiging resulta nito.
Ikalima, maging halimbawa at tapat ang magulang. Tuparin ang sinasabi. Paano nila magaganyak ang kanilang anak na mag-aral kung sila mismo ay hindi nagpapakita ng kilos ng may pinag-aralan? Kung hindi ka man gaanong kahusay sa paggabay at pagtuturo sa iyong anak, maging tapat ka at gawin itong pagganyak upang lalo siyang mag-aral na mabuti.
Ikaanim, maging maingat sa motibasyong extrinsic. Maaaring bigyan ng pabuya ang anak kapag mataas ang nakuha sa eksamen subalit hindi dapat sa lahat ng pagkakataon. Magiging palaasa siya sa matatanggap na pabuya sa kalaunan at mababawasan ang interes sa dating ginagawa. Ang pag-aaral nang mabuti ay pinaghihirapan at pinagsisikapan. Kung bibigyan ito ng materyal na pabuya, maaari siyang gumawa ng ibang paraan upang makuha ito nang hindi niya pinaghihirapan.
sundan sa pahina 12
5
ni Larry Roallos,
punungguro, SAES