Hindi pa amoy-baboy noon. Gayunman, hindi na ako nakakalusong sa ilog sa tapat namin. May mga indikasyon na rin noon ng kontaminasyon dahil sa dumaraming babuyan sa mga lugar na malapit dito.
Naging palasak na sa mga nagkakaperang taga-Ibaan ang bumili ng lupang malapit sa ilog para pagtayuan ng piggery. Menos gastos daw dahil hindi na kailangang magpahukay—diretso na ang tae sa ilog!
Mahigit dalawang dekada pa ang lumipas, luminaw ang kita ng mga magbababoy sa ating bayan ngunit lumabo naman nang pagkalabo-labo ang kalagayan ng ating mga katubigan. Alam na alam natin kung sino-sino ang dapat sisihin at singilin sa kababuyang ito. Ngunit kahit kailan, ni isang lider sa ating bayan, ni isang pari, ni isang edukador, ay hindi nagsalita laban sa katampalasanang ito sa ating kalikasan.
Kailangang magtagumpay ang ating mga programang mag-aangat sa kalidad ng ating buhay-pamayanan, na may malaking kontribusyon sa pagsulong ng ating mga sarili bilang indibidwal at Filipino. Dahil kung mabibigo tayo ngayon, kawawa naman ang susunod na mga henerasyon.
Hindi ba tayo nangingilabot na habang nagsisimba tayo, wala naman tayong ginagawa para pahalagahan ang regalong bigay ng Maykapal? Nasaan ang tunay na pananalig sa bayang ito?
Kaya mananatiling pangunahing agenda ng Klub Iba ang “Mabangong Ibaan”. Hindi natin makakamit ang tunay na kaunlaran kung mananatiling marumi at mabaho ang paligid natin. Ngunit kung mabango ito, halos nakatitiyak tayong “mabunga” rin ang ating pamayanan. Pati mga tao, malilinis din ang kalooban.
Hindi tayo bibitiw sa ating mithiing maisakatuparan ang pangarap na “Clean Water 2025”. Hindi natin tatantanan ang mga mambababoy na iyan. Paiigtingin din natin ang ating “Kilos Kontra Kalat” para turuan ng disiplina ang ating mga mamamayan, mula sa bata hanggang sa matanda, at nang sila’y hindi na dumagdag sa kalbaryo ng Inang Kalikasan.
ni Manolito Sulit,
manunulat, online worker