ang ating sigaw:
mabangong ibaan!
Kung may isang pangunahing suliranin ang ating bayan, ito na ang maruming katubigan. Hindi ito maitatanggi ninuman, gayunma'y isa itong katotohanang ipinagkikibit-balikat lamang ng karamihan.
Balewala sa kanila na maitim ang umaagos na tubig, kung umaagos pa ito, sa ating mga ilog. Balewala sa kanila ang toxic na samyo nitong sumasama sa hanging hinihinga natin. Balewala sa kanila ang baho at ang perwisyong naidudulot ng isang iresponsableng magbababoy sa kanyang komunidad. Balewala sa kanila na maraming chlorine ang tubig na kanilang iniinom.
Noong dekada 90, naipagmamalaki ko pa rin kahit paano ang ating bayan sa mga kaibigan kong manunulat at manggagawang kultural na naaanyayahan kong magbigay ng panayam sa mga guro at mag-aaral. Hindi pa kasingbaho ng ngayon ang simoy ng hangin noon.
Nagpalipas pa nga kami ng gabi ng mga kaklase kong taga-Maynila sa baybayin ng ilog sa Bungahan sa paligid ng isang siga. Napuntahan din namin noon ang bukal sa Sandalan (kumusta na kaya iyon ngayon?) at ang noo'y sikat na Tingga Falls na ngayo’y tigang na.
Inabot ko pang malinis-linis ang ating mga ilog nang mga dekada 70 at 80. Araw-araw itong bahagi ng aming buhay dahil tuwing umaga, doon kami naglalaba, naliligo at nangunguha ng kangkong na pang-agdong sa aming pananghalian.
Dinarayo noon ng mga karatig-bayan ang ilog sa Bungahan para magkura (magpiknik), lumalangoy at namamalsa roon. Ang mga tagaroon naman ay namamante ng dalag at igat, at nagtataan ng bangon para sa mga hipon.