Adhika Isyu 01, Pebrero 2016 | Page 13

"Nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang mabuting balita." - Mateo 11:5

Kabanata 1

Kung narinig mo na ang tunog ng kampana sa simbahan ng Santo Domingo sa Palayan, sasabihin mong ito na ang pinakamataginting na kampanang narinig mo. May 300 taon na ito sa pagkakabitin sa hindi kataasan at bahagyang nakahapay na kampanaryong hiwalay na nakatayo sa baybay-dagat, may sampung metro ang layo sa gilid ng simbahan. Regular na pinatutunog ang kampana tuwing alas singko ng umaga, alas sais ng hapon at alas otso ng gabi, gaya rin ng karaniwang kampana ng simbahan. Kulang na lang ay ilaw at magmumukha nang parola ang kampanaryo habang nakatanaw ito sa isang krus na nakatayo sa dagat at naglalaho kapag mataas ang alon.

Ang totoo, hindi talaga sinadyang ihiwalay ang naturang kampanaryo. Kapag nakatayo ka sa itaas nito, at tiyempong malinaw ang tubig, matatanaw mo mula roon ang bahagi ng isa pang simbahang nakalubog sa dagat. Iyon ang unang simbahan ng Santo Domingo na itinayo noong ika-17 siglo, nilamon ng lupa dahil sa isang lindol na nagmula sa dagat. Lumubog sa tubig ang dating baybayin kasama ang simbahan, kaya ang krus na natatanaw mo ay ang krus sa bubungan nito. Sa paglipas ng panahon, napuno ng buhangin at lumot ang istruktura ng simbahan, kaya hindi mo na halos ito makikilala kung lalangoy ka sa kinalubugan nito. Bumigay na rin ang mga bubungan, liban sa bigang kinatatayuan ng krus. Ngayon, bawal na ang pagsisid sa bahaging iyon ng dagat dahil lubhang mapanganib.

Nang itinatayo ang kasalukuyang simbahan isandaang taon mula nang magkalindol, tinangkang ibaba ang kampana para ilipat sa gagawing kampanaryo. Ngunit hinding-hindi makalas ang bakal na panara sa sugpungan nito. Kahit nang tangkain nilang pukpukin ng maso at hayaan nang madurog ang panara, hinding-hindi ito natinag. Kaya hinayaan na lang nila roon ang kampana. Hindi na rin itinayo ang bagong kampanaryo. Gumawa na lang ng lagusang patungo roon. Kaya kung titingnan mo ang simbahan ngayon, malamang na pagtakhan mo kung bakit napalayo naman ang kampanaryo nito. Gayunma'y nakamamamanghang tanawin ang krus sa dakong iyon ng dagat, na lumilitaw sabay sa pagsikat ng araw, at lumulubog pagsapit ng takipsilim.

Sa loob ng simbahan, malapit nang matapos ang panggabing misa, at isa-isa nang ibinabalik sa loob ng Tabernakulo ang mga kalis na pinaglagyan ng mga hostya. Nasa gitna ng mga iyon ang ostensoryo na kinalalagyan ng Banal na Sakramento, ang pinakasagrado sa lahat ng pinaniniwalaan ng mga Katoliko. Hindi lamang iyon sagisag ni Kristo. Iyon mismo ang Katawan ni Kristo. Gaya ng Tabernakulo ng mga Hudyo noong una, nakatira roon ang Banal na Presensya - samakatwid ay ang Espiritu ng Diyos.

Kapapaghapunan lamang ni Fr. Ariel at gaya ng nakagawian, nakatayo siya sa pasilyong nagdurugtong sa kumbento at simbahan. Sa gayong pagkakataon, na nakatisyert at maong lang siya, hindi mo aakalaing isa siyang pari. Hindi siya katangkaran, ngunit agad mo siyang mapapansin dahil sa matipuno niyang pangangatawan. Wala pa siyang singkwenta, at ito ang kanyang panglabindalawang taon sa parokya. Kapansin-pansin ang pagkabagabag sa kanyang mabalasik na mukha sa ibaba ng sagad na buhok na tila sa isang kadete, habang blankong nakatanaw sa naiilawang hardin sa labas ng mga rehas.

Hindi pa siya gaanong nagtatagal doon nang mapapitlag siya sa bahagyang ugong na nagmula sa dako ng simbahan. Matagal niyang tinitigan ang madilim na pintuan patungo roon. Hindi niya maintindihan ang naramdaman niyang kilabot. Umulit ang sa pakiwari niya'y ugong mula roon, at lalong umangat ang mga balahibo sa kanyang katawan. Maingat na tinungo niya ang gawi ng simbahan para alamin kung ano iyon. Nanatiling tahimik ang paligid hanggang makalapit siya sa may pintuan. Noon pa man ay balewala na sa kanya ang dilim, ngunit kakaiba ngayon, patuloy siyang kinikilabutan habang naaaninag ang mga bakanteng upuan sa dilim, ang mga anino ng mga rebulto at iba pang bagay sa loob ng simbahan. Umulit ang ugong at gulat na napasulyap siya sa bahagi ng altar. Noon lamang niya napansin na tila mas makinang kaysa sa dati ang pilak at gintong tabing ng Tabernakulo. Ngunit kakaibang kinang sapagkat gumagalaw iyong tila ningas ng apoy!

Kumabog ang dibdib ni Fr. Ariel habang tila namamalikmatang nakatingin sa nagaganap mula sa madilim na sulok sa likod ng malaking pinto. "Nalulusaw ang tabing..." bulong ng kanyang isipan. Gusto niyang lapitan ang Tabernakulo, ngunit gagap siya ng magkahalong takot at pagkabigla.

(Itutuloy)

Banal at Nawawala

nobela ni Manolito Sulit