Tambuling Batangas Publication September 19-25, 2018 Issue | Page 4

OPINYON September 19-25, 2018 Lingguhang Pahayagan ng Lalawigan ng Batangas na inilalathala tuwing Miyerkules / PRINTING PLANT: Sinag Publishing & Printing Services, National Highway, Brgy. Parian, Calamba City, Laguna. Tel nos. (049) 834-6261 & (049) 5763112 / Subscription fee: One year P360.00 Six Months: P180.00 / Commercial Advertising rate: P160 per column cm / MEMBER: Publisher’s Association of the Philippines, Inc. (PAPI) / Raia Jennifer E. Dela Peña Managing Editor / P.L. Villa, RC Asa Contributing Editors / Shara Jane Falceso, Rachelle Joy Aquino, Jacquilou Lirio, Maria Carlyn Ureta staff writers / Ruel T. Landicho Lay-out Artist/ Ms. Corazon D.P. Marcial, Amber D.C Vitto Legal Consultant. email add: [email protected] & [email protected] Gandang Davaoeña, Ka-reyp reyp nga ba ayon sa Pangulo? Ni: John Christoper Lara Kailan lang ay muling buminggo matapos ulanin ng batikos ang Presidente Rodrigo Duterte dahil sa binitawan nitong isang pabirong pahayag tungkol sa tumataas na kaso ng reyp sa kanilang probinsya sa Davao na ayon sa kanya ay dahil umano sa napakaraming magaganda at kabigha-bighaning kababaihan na nakatira roon. Kaya’t hindi nakapagtatakang bumugso na naman ang tirada ng mga kritiko ng pangulo na nagsasabing isa na naman itong pagpapakita niya ng kawalang respeto sa karapatan at imahe ng mga kababaihan at pagkunsinti sa mga nangre-reyp. Matatandaan din na hindi ito ang unang beses na may biro ang pangulo na may kinalaman sa reyp at sa mga kababaihan. Sa katunayan, isa ito sa mga matagal nang isyu kung saan kilala ang pangulo. Maraming nang nagbansag sakanya ng ‘manyakis’ at ‘bastos’ at kung ano- ano pa. Buti na lang at may mga tao pa siya sa gobyerno na handang bumack- up sakanya andyan na naman ang mga linyang ‘palabiro’ lang daw talaga si pangulo kaya hindi naman daw dapat seryosohin ito. Pero pati ba naman sa isyung ito? Depensa naman ng tagapagsalita ni Pangulo na si Sec. Harry Roque, masasabing mas ‘Liberal’ lang daw talaga ang mga taga-timog kagaya ng Pangulo kaya’t mas malaya at bukas ang kanilang pagiisip at pananalita tungkol sa ganitong mga isyu. Kaya’t hindi daw ‘to nangangahulugan na masama ang nais iparating ni Duterte. Mukhang ang lumalabas ay sadyang sensitibo lang tayong mga pinoy! Ayon pa kay Pdutz, ang pagsasalita niya namang ito ay paraan ng malayang pagpapahayag ng kanyang sarili o ‘Freedom of Expression’ kaya hindi ito dapat kwestyunin ng sino man. Pero hindi ba dapat bilang pangulo at kapwa kababayan ay siya mismo ang proprotekta sa mga kababaihan ng bansa at ng kanilng probinsya? O baka naman sa sobrang maka-pinoy talaga ang pangulo, nagawa na niyang masyadong literal ang ika nga nila’y , “Laughter is the best medicine?” Pero dapat na atang mag-ingat ingat dahil baka rin sa kakabiro ng pangulo ay dayuhin ng mga reypist ang lugar nila para lang makapambiktima ng sinasabi niyang mga kareyp-reyp sa gandang mga Davaoeña? Nakakakilabot. Kahit pa nilinaw niyang hindi niya isinusulong o kinukunsinti ang pangre- rape sa mga kababaihan at sadyang kinikilala niya lang ang ganda ng mga taga-davao na talaga umanong kaakit-akit, tingin kaya niya’y ganito ang magiging dating sa karamihan ng mga ganitong birada niya? Mukhang hindi, dahil sa kabila nito, lalong dumami ang mga organisasyon at mga personalidad hindi lang sa medya kun’di maging sa gobyerno na nagsusulong ng karapatang pantao at proteksyon sa kababaihan ang umalma at nagsabing hindi katanggap-tanggap ang mga pahayag ng Pangulo. Wala rin naman daw talaga sa lugar ang mga biro at paghahambing ng pangulo. Lalo lamang nitong dinadagdagan ang mga maling pagiisip tungkol sa rape. Ayon nga kay Senator Risa Hontiveros na kilala sa adbokasiya para sa mga kababaihan at sa iba’t iba pang kasarian, “Walang kinalaman ang ganda ng tao para ma-rape ito. May rape dahil may mga rapist. Hindi dahil sa may mga magaganda.” Yari na! Dagdag pa niyang dapat nang matigil ang paninisi sa mga biktima kung bakit sila na re-reyp. Isa umano ito sa mga maling pagiisip ng lipunan na sinususugan ng mga kilalang personalidad tulad ni Presidente na dapat nang mahinto. “Hindi sukatan ng kagandahan ang rape. Hindi ito basta porma ng paghanga.” Banggit pa ng senadora. Sa puntong ito, sumosobra na nga ba ang Presidente? Dahil sa halip na tugunan ang isang lumalalang isyung panlipunan ay mas pinipiling gawin itong biro kahit pa sa mismo niyang mga kababayan ang sangkot? Kayo na ang humusga sa kasagutan. Ni Teo S. Marasigan Epekto sa Pinas ng Krisis sa US (2) SA kanya namang papel na “The Global Financial Crisis and Its Implications for Workers of the World” na naisulat nitong Hunyo para sa asembliyang pandaigdig ng International League of Peoples’ Struggle, iniulat ni Paul L. Quintos ang tindi at kasaysayan ng krisis, ang mga epekto nito sa mga bansang tulad ng Pilipinas, at ang mga pagkilos ng mga manggagawa sa mundo kaugnay nito. Progresibong ekonomista si G. Quintos, na direktor-ehekutibo ng EILER o Ecumenical Institute for Labor Education and Research, institusyong maka- manggagawa sa bansa. Apat ang nakikita niyang mayor na epekto ng krisis ngayon ng pandaigdigang sistemang kapitalista sa mga bansang katulad ng Pilipinas. Una, mababawasan ang kapital na papasok sa bansa. Resulta ito ng paghihigpit sa pautang. Matindi ang magiging epekto nito dahil nakaasa ang bansa sa pagpasok ng dayuhang kapital “para bayaran ang lumang mga utang, ipagpatuloy ang pag- iimport mula sa mga bansang abanteng kapitalista, at pagtakpan ang kronikong depisito… na resulta ng pagdambong ng mga estadong imperyalista sa [ating] ekonomiya.” Ikalawa, mababawasan ang kantidad at halaga ng mga eksport natin sa mga bansang abanteng kapitalista. Kasama sa mga ito ang hilaw na materyales, mga produktong agrikultural at mga semi-manupakturang maliit ang dagdag na halaga. Isinama rin ni G. Quintos ang mga serbisyong tulad ng business process outsourcing kung saan tampok ang mga call center. Liliit kasi ang pagkonsumo ng mga tao sa mga bansang pinag- eeksportan, at hihina ang dolyar. Ibig sabihin, tanggalan sa trabaho, pagkaunti ng papasok na dolyar sa ekonomiya ng bansa. Ikatlo, mababawasan ang mga Pilipinong matatanggap para magtrabaho sa ibang bansa – at posible pang pauwiin ang mga may trabaho na. Ipinapakita ng karanasan ng iba’t ibang bansa sa kasaysayan na nangangahulugan ang mga krisis sa ekonomiya ng “paghihigpit ng mga hangganan para huwag makapasok ang mga manggagawang dayuhan.” Muli, nangangahulugan ito ng kawalang-trabaho, pagkaunti ng papasok na remitans na dolyar sa ekonomiya at sa mga tahanan, pagkaunti ng paggastos na pangkonsumo, at ligalig sa lipunan. Ikaapat, tataas ang presyo ng pagkain at langis bunsod ng “paglipat ng ispekulatibong kapital tungo sa pangangalakal ng mga komoditi (commodities trading) tulad sa langis, mineral at mga kalakal na pang-agrikultura.” Hindi na kasi “kaakit-akit sa mga mamumuhunang pampinansya ang dolyar ng US at ang mga pag- aaring nakabatay sa dolyar,” kaya lilipat sila sa naunang nabanggit. Nagsimula nang maganap ang pagtaas ng presyo ng pagkain at langis, bagamat ligtas sabihing magaganap pa lamang ang rurok sa nasabing pagtaas ng presyo. Ang suma total, tulad ng sinabi ni Prop. Diokno: ibayong paghihirap ng nakakarami nating kababayan. Nabanggit ni Prop. Diokno ang una at ikalawa sa mga sinabi ni G. Quintos. Nabanggit din niya ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, bagamat hindi ang malalim nitong ugat na inilinaw ni G. Quintos. Hindi nabanggit ni Prop. Diokno ang ikatlo – kahit para pasubalian man lang sana. Dahil kaya hindi saklaw ng pagsusuri ng tradisyunal na ekonomiks ang mga salik na panlipunan tulad ng rasismo o pagbibigay-priyoridad sa sariling mamamayan? Anu’t anuman, malaking pagkaligta ito, kung pagkaligta nga. Hindi na kailangang ipaalala sa atin na halos 10 milyong Pinoy ang nagtatrabaho sa ibayong dagat, na nitong Hulyo’y nakapag-remit na ng halos $10 Bilyon sa bansa. Bagamat tiyak tayong hindi nakakapagdulot ng pangkalahatang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ang pagpapadala ng remitans ng mga Overseas Filipino Workers, tiyak tayong maraming pamilya’t indibidwal ang nakikinabang dito. Pwede pa ngang sabihing salik ito kaya nakakaya pa ng marami ang matinding kahirapan at krisis. Sa harap ng ganitong mga babala, naaalala ko ang mga pagtingin sa kabulukan ng kapitalismo na mula sa kampo ng mga intelektwal na tinatawag na post-Marxista – dating mga Marxista pero bitbit pa rin ang “Marxismo” sa loob ng bagong kamalayang sabi nila’y nakaalpas na rito, ano man ang kamalayang iyon. Ang isang pagtingin: Bulok ang kapitalismo, pero wala nang mas mahusay pa rito. Ang isa pang pagtingin: Kapitalismo ang pinaka-batbat ng krisis sa lahat ng moda ng produksyon, pero ito rin ang pinaka-pleksible sa pag-alpas sa krisis. Sa tingin ko, isang ugat ng dalawang pagtinging ito ang kawalan o kakapusan ng kaalaman sa kasaysayan ng daigdig. Ito ang magpapakitang “Another World is Possible” – at ang pangalan niyan ay sosyalismo. Ito rin ang magpapakitang nagtatagumpay ang kapitalismo dahil hindi pa kinakayang magtagumpay ng mga kalaban nito. Madali itong sabihin, pero mas epektibo siguro kung maipapakita – lalo na sa masang anakpawis na tiyak na maghahanap ng paliwanag sa gutom at kakapusang nararanasan nila, at maghahanap, higit sa lahat, ng alternatiba. Para sa mga progresibo, hamon ang krisis na magparami at magpalalim ng paninindigan. Malaki man ang krisis, marami tayong kongkretong magagawa. 20 Hunyo 2008