Tambuling Batangas Publication September 12-18, 2018 Issue | Page 4

OPINYON September 12-18, 2018 Lingguhang Pahayagan ng Lalawigan ng Batangas na inilalathala tuwing Miyerkules / PRINTING PLANT: Sinag Publishing & Printing Services, National Highway, Brgy. Parian, Calamba City, Laguna. Tel nos. (049) 834-6261 & (049) 5763112 / Subscription fee: One year P360.00 Six Months: P180.00 / Commercial Advertising rate: P160 per column cm / MEMBER: Publisher’s Association of the Philippines, Inc. (PAPI) / Raia Jennifer E. Dela Peña Managing Editor / P.L. Villa, RC Asa Contributing Editors / Shara Jane Falceso, Rachelle Joy Aquino, Jacquilou Lirio, Maria Carlyn Ureta staff writers / Ruel T. Landicho Lay-out Artist/ Ms. Corazon D.P. Marcial, Amber D.C Vitto Legal Consultant. email add: [email protected] & [email protected] Pormalin sa ulam na GG at Bukbok sa Bigas, Dapat na bang Ikabahala? Ni: John Christoper Lara NAGULANTANG ang buong kapuluan sa sunod sunod na balita nitong nakaraan mula sa mga supply ng bigas na may bukbok hanggang sa isyu ng pagiimport natin ng isdang galunggong na hinihinalang may halong Formalin na mula ibang bansa tulad ng China at Vietnam. Hindi masisising mangamba at matakot ang karamihan. Isa pa, kagulat-gulat para sa isang arkipelagong pinalilibutan ng karagatan at punong puno ng mga kabukiran ang pagkakaroon ng problemang ito. Bakit nga ba tayo nauwi sa ganito? Ayon kay Sec. Emmanuel Piñol mula sa Department of Agriculture, matagal nang ginagawa ng ating bansa ang pagiimport ng mga isdang galunggong. Lalo na tuwing papasara ang ‘fishing season’ Kaya’t hindi na rin ito bago. Ayon naman pala, sulit sulitin na natin. Tuloy tuloy na, todo na to, ayon kay Sec. Piñol! Dagdag niya pa’y wala umanong nasyunalidad ang mga galunggong na ito kaya kahit saan man magmula ito ay okay lang at walang kaso. Pero tila kawawa naman yata ang ating mga lokal na mangingisda na imbis na suportahan ng gobyerno upang makapagsupply sa pangangailangan natin ng sapat at de-kalidad na galunggong ay naiitsepwera dahil sa tone-toneladang importation na ito. Ayon nga kay Raymund Fantonalgo mula sa grupong ‘Advocates of Science & Technology for the People,’ Isa itong malaking insulto dahil sa lawak ng anyong tubig na mayroon tayo ay bakit kailangan pa nating magimport ng produktong maaari pang magdulot ng kapahamakan sa mga tao (dahil sa isyu ng formalin sa galunggong) Dagdag niya’y mas dapat paigtingin ang pagtatanggol ng ating mga teritoryo at pondohan ang mga lokal na mangingisda. Tama nga naman, lalo pa’t isa talaga sa mga lakas ng ating bansa ang mga natural na likas-yaman at ang lakas paggawa sa ating agrikultural na sektor. Ngunit sagot naman ni Sec. Piñol ay hindi totoo ang isyu ng formalin sa mga isdang na-import. Kaya’t walang dapat ikabahala. Isa pang isyung sumasalanta ngayon sa ating bansa ay ang imported na supply ng bigas na may ‘bukbok’ kung saan bidang bida ngayon ang DOA secretary matapos magsaing at kumain ng kanin na may bukbok ‘served with GG on the side.’ Isa raw itong paraan upang patunayang ligtas na kainin ang bigas na ito. Naku, kalamnan pala ni Secretary ang tester ng ating safety mula sa bukbok. Paano naman kaya yung mas mahihina ang bituka? Naisip kaya nila iyon? Sa mga katakot-takot na problema ng bansang ito, isa ang isyu sa pagkain sa mga hindi natin maaaring palagpasin. Dahil ito ay tumatalakay sa ating araw-araw na buhay at pangangailangan. Hindi rin biro ang mga nababalitang kung ano anong nasa pagkain na inihahapag sa bawat pamilyang Pilipino tulad na lamang ng bukbok o Pormalin. Sana’y ito na ang huli sa mga isyung tulad nito. Dahil kailanma’y hindi naman pwedeng pagtiisan na lang ng mga Pilipino ang mababang kalidad ng pagkain na siyang pundasyon din ng ating kalusugan Kung susuriin, isa sa mga hudyat na ang bansa’y umuunlad at namamayagpag ay kapag ang bawat pamilya ay may naihahapag na pagkaing malusog, malinis at kung ano mang hindi kaaya-aya. Ni Teo S. Marasigan Epekto sa Pinas ng Krisis sa US (1) Nasa balita ngayon si Prop. Benjamin Diokno – ekonomista, propesor sa School of Economics ng Unibersidad ng Pilipinas, at naging sekretaryo ng Department of Budget and Management sa panahon ni dating Pang. Joseph “Erap” Estrada. Nitong huli, mapanuligsa siya sa mga pahayag at patakaran sa ekonomiya ng gobyernong Arroyo. Ngayon, nagsasalita siya tungkol sa mga epekto sa Pilipinas ng nagaganap at tumitinding krisis sa US gayundin sa kaugnay na mga usapin. Parang nananakot si Prop. Diokno. Aniya, “tuyo” ang Paskong naghihintay sa mga Pinoy ngayong taon. Bagamat salin ito ng “dry” na nakasulat sa balita, sa pakahulugang madalas na kaugnay ng mga sampay, alam ng nakakaraming matagal nang gipit ang kabuhayan na nangangahulugan din talaga ito ng isang klase ng isda – “Paskong tuyo” nga ang tawag ng iba. Sabi ni Prop. Diokno, baka mas maalwan pa ang Pasko noong isang taon kaysa sa darating. Diyos ko po! Naniniwala si Prop. Diokno na maaapektuhan ang bansa ng krisis sa ekonomiya ng US. Kinontra niya ang pahayag ng Bangko Sentral na hindi tatamaan ang mga bangko at kompanya ng insurance sa bansa dahil sapat daw ang kapital ng mga ito. Aniya, kung bumagsak ang “isang malaking bangko” tulad ng sikat na Lehman Brothers, “babagsak din ang mas maliliit na bangko.” Pero hindi raw ang mga nagdeposito sa mga bangko ang tatamaan, kundi ang mga mamumuhunan. Pero ang pinakamatinding epekto sa mga Pinoy, ani Prop. Diokno ay “ang pagkabawas sa pamumuhunan na pwedeng magdulot ng kawalang- trabaho at ang matataas na presyo ng mga bilihin.” Malungkot talagang Pasko iyun: Nasisante ka na nga, mahal pa ang mga bilihin. Kung kamag-anak o kaibigan mo naman ang natanggal sa trabaho, malulungkot ka rin – kasi wala siyang trabaho at posibleng utangan ka. Tuwing Pasko na nga lang tayo nagiging masaya… Owwws? Talaga? (Kakatanggap ko lang ng mensaheng text ng isang kaibigan: Itatayo na mamayang umaga ang welga ng mga manggagawa ng Kowloon West – isang restawrang matagal nang sikat sa Quezon City at kilala ng marami. Marami ang nagdaos ng debut, JS Prom at kung anu- anong pagdiriwang dito. Ayon sa nag-text sa akin, 73 manggagawa ang tatanggalin sa trabaho. Hinala ko, pagkalugi ang dahilan ng manedsment. Magandang marinig ang mga kontra-argumento.) Sa isa pang balita, nasabi niyang “Malaki ang epekto ng pagbagal ng ekonomiya ng US sa atin dahil sa ating mga eksport.” Hindi na ipinaliwanag ng balita ang malamang pahayag na ito. Malamang, gayunman, na ang tinutukoy ay ang pagkitid ng demand para sa ating mga eksport, pagkaunti ng mabebenta sa mga ito, pagkabawas ng papasok na dolyar, posibleng pagsasara ng mga pabrikang ang produkto’y pang-eksport, at kawalang- trabaho ng mga manggagawa. Sinita rin ni Prop. Diokno ang naunang pagsasabi ng Department of Finance na nagkaroon ng P1.7 Bilyong surplas sa badyet ng gobyerno. “Sa halip na surplas, dapat mayroong depisito dahil dapat ginagamit ng gobyerno ang badyet sa pagtulong sa mga tao.” Alam mong matindi ang pangangailangang tulungan ang mga tao kapag isang ekonomistang tulad ni Prop. Diokno ang nagsasabi nito – neo-liberal pa rin naman bagamat naging bahagi ng isang populistang gobyerno. Pinuri niya ang pagpapahayag ni Pres. Gloria Macapagal-Arroyo ng kumpyansa na patuloy na matatag na haharapin ng mga Pinoy ang krisis sa ekonomiya ng daigdig. Parang ganito ang sinasabi niya: “Wala namang magagawa eh. Kailangang ganoon ang gawin ng gobyerno.” Kailangan daw kasing mahikayat ang mga tao na gumastos, kaya kailangang magpaka-optimistiko ng gobyerno. Kung hindi gagastos ang mga tao, talagang lalong babagsak ang ekonomiya. “Napakahaba at napakamapanghamon ng susunod na mga araw,” sabi niya. Inaasahan daw na aabot ng katapusan ng 2009 ang krisis sa US, at dahil dito’y mahigit kalahati ng mga bansa sa mundo ang papasok sa resesyon – o sunud-sunod na panahon ng kawalan ng paglago sa ekonomiya. Kakatwa, gayunman, na nasabi niyang malayo sa isang resesyon ang bansa. Ano kaya ang nasa likod ng paniniwalang ito? Na kumpara sa iba’y mas maayos pa ang lagay ng bansa? Anu-ano ang mga payo niya? (1) Ibigay na ang pampaskong bonus para gumastos ang mga tao at sumigla ang ekonomiya. Palakpakan po natin, si Prop. Diokno at ang… Aegis! “Kaya’t ibigay mo na ang aking Christmas bonus…” (2) Huwag mag-panic. Kapag naririnig mo iyan, parang lalong nakakataranta. (3) Magpatupad ng mga reporma sa pagbubuwis. Ewan ko, mula noong ipinanukala ng Econ 11 ang E-VAT, hindi ko na sila gustong naririnig magsabi ng ganyan. Sa karaniwang tao, ito ang panukala niya: Magtipid – “maging kuripot” yata ang salin ng nasa balita – at “pagbutihin ang trabaho.” Kaya siguro nagulat akong marami akong singko at diyes sentimos sa bulsa. Inilabas siguro nang katakut-takot ng gobyerno – para hanggang sa ganoong sinsin, mabadyet natin. Pagbutihin daw ang trabaho dahil posibleng tumungo ang krisis sa tanggalan. Ganoon? Parang sinabi sa iyong mahalin mo ang nanay mong 90 taong gulang. Pero mahal naman ng mga Pinoy ang trabaho; sila ang hindi minamahal ng huli. 19 Setyembre 2008