Tambuling Batangas Publication January 10-16, 2018 | Page 4

OPINYON Enero 10-16, 2018 Lingguhang Pahayagan ng Lalawigan ng Batangas na inilalathala tuwing Miyerkules / PRINTING PLANT: Sinag Publishing & Printing Services, National Highway, Brgy. Parian, Calamba City, Laguna. Tel nos. (049) 834-6261 & (049) 5763112 / Subscription fee: One year P360.00 Six Months: P180.00 / Commercial Advertising rate: P160 per column cm / MEMBER: Publisher’s Association of the Philippines, Inc. (PAPI) / Raia Jennifer E. Dela Peña Managing Editor / P.L. Villa, RC Asa Contributing Editors / Shara Jane Falceso, Rachelle Joy Aquino, Jacquilou Lirio, Maria Carlyn Ureta staff writers / Ruel T. Landicho Lay-out Artist/ Ms. Corazon D.P. Marcial, Amber D.C Vitto Legal Consultant. email add: [email protected] & [email protected] LANDAS PATUNGONG PASISTANG DIKTADURA by Pinoy Weekly SA pagtatapos ng taong ito, kumpleto na ang pagpihit ni Duterte tungong pasismo at diktadura. Nagdeklara na siya ng giyera sa buong sambayanang Pilipino. Iigting ito sa susunod na taon. Nagsimula ang taon nang puno ng pangako. Nagtalaga si Pangulong Duterte ng mga progresibo sa gabinete. Nagdeklara siya ng “pagkalas sa Amerika,” habang tinatahak ang isang tunay na “independiyenteng polisiyang panlabas.” Umuusad ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Nangako siyang wawakasan ang kontraktuwalisasyon, habang pag-iisipan ang pagpapatupad ng isang pambansang minimum na sahod sa mga manggagawa. Sinuportahan niya ang libreng edukasyon sa kolehiyo. May moratoryo sa mga demolisyon habang walang relokasyon. Pero simula’t sapul, si Duterte mismo ang naglatag ng batayan sa pagtungo niya sa lantarang pasismo. Sa kabila ng walang-tigil na pamumuna ng progresibong kilusan kontra sa kanyang Oplan Tokhang na bumiktima sa libu-libong maralita, pinatindi lang ito ng kanyang rehimen. Nagtalaga siya ng economic team na tumatahak pa rin sa landas ng neoliberal economics – o ang bigong mga polisiya sa ekonomiya na lalong nagpahirap sa mga mamamayan sa nakaraang mga administrasyon. Unti- unti siyang nagtalaga ng mga retiradong heneral at opisyal sa sibilyang mga posisyon sa gobyerno. Samantala, hindi talaga siya nagputol ng ugnay sa US; ipinagpatuloy niya ang mga ehersisyong militar na Balikatan. Patuloy naman ang banat niya sa independiyenteng mga institusyon ng gobyerno tulad ng Hudikatura, habang kinokonsolida ang kontrol sa Kongreso. Unang pihit ng rehimen: ang pagputok ng digmaan sa Marawi, sa tulong ng mga tropang Kano. Panahong ito, biglang umatras si Duterte sa ikalimang round ng usapang pangkapayapaan. Nagdeklara siya ng batas militar sa buong Mindanao. Matapos nito, di sinuportahan ni Duterte sina Judy Taguiwalo at Rafael Mariano sa Commission on Appointments. Samantala, pangalawang pihit: Matapos bumisita si US Pres. Donald Trump sa panahon ng Asean Summit noong Oktubre, dineklara muli ni Duterte ang pagtigil sa pakikipagnegosasyon sa NDFP. Dineklara niyang terorista ang New People’s Army at Communist Party of the Philippines, at nagbanta ng crackdown sa mga miyembro ng legal na progresibong mga organisasyon. Nitong nakaraang mga linggo, iniutos niya ang pagpapalawig sa batas militar sa Mindanao hanggang 2018, at ipinasa ang “reporma sa buwis” na magpapataas sa batayang mga bilihin ng mga maralita. Sa pagtatapos ng taong ito, kumpleto na ang pagpihit ni Duterte tungong pasismo at diktadura. Nagdeklara na siya ng giyera sa buong sambayanang Pilipino. Iigting ito sa susunod na taon. Maghanda. Teo S. Marasigan Hey, Lani / You, Lani* NOONG kamakailan, napanood ko ang isang bahagi ng gabi ng parangal ng Metro Manila Film Festival, iyung konsiyerto ng magaling na mang-aawit na si Lani Misalucha. Sa isang yugto ng konsiyerto, itinanghal niya ang ayon sa kanya’y tanyag nang bahagi ng mga palabas niya sa ibang bansa: ang nakakatawang panggagaya niya sa pagkanta ng mga mang-aawit na sikat sa buong mundo – Natalie Cole (“Starting Over Again”), Anita Baker (“No One in the World”), Angela Boffil (“Angel of the Night”) at Dionne Warwick (“I’ll Never Love This Way Again”). Maraming beses pinalakpakan ang pagtatanghal. Maraming beses ding tumawa ang mga tao – hindi ko nga lamang alam kung saan. Hindi ko maintindihan, pero nalungkot ako. Habang nanonood, naramdaman kong parang bahagi at sintomas ang pagtatanghal ng hindi maganda sa lagay ng bansa natin. Naalala ko ang nalulungkot na pagbasa ng Aprikano-Amerikanong manunulat na si Alice Walker, sa isang sanaysay sa libro niyang In Search of Our Mother’s Gardens [1984]: “Pinaslang ang ating mga pinunong moral. Sinasamba ng ating mga anak ang kapangyarihan at droga, madalas na kalokohan ang ating opisyal na pamunuan, na kadalasang mapaniil. Ang ating pinili at pinaka-iginagalang na mang- aawit ng soul – na may di-hayag na tungkuling ipaalala sa atin kung sino tayo – ay naging isang blonde.” Kung sabagay, matatawa talaga ang marami sa mga manonood, na galing marahil sa mga uring panggitna at nakakataas, at nakatira sa mga lungsod. Bukod sa araw- araw maririnig sa mga estasyon ng radyo ang mga kanta ng mga mang- aawit na nabanggit, marami na rin ang nakakita sa kanilang magtanghal – sa telebisyon, CD o DVD, o sa YouTube. Alam ng mga marami ang tinis ng boses ni Natalie Cole at ang kalmadong pagkanta niya, ang malaki pero parang lumilipad na boses ni Anita Baker at ang maalab na pag-awit niya, ang boses ni Angela Boffil na minsa’y tila galing sa ilong at sinasabing ginagaya ni Sharon Cuneta, at ang malamig na boses at itsura ni Dionne Warwick. Higit pa diyan, masasabing mayroon na ring kultura ng panggagaya ang mga Pinoy sa pag- awit ng mga kantang masasabing bahagi ng “kulturang popular”. May ilan nang manunulat – kasama ang isang Pico Iyer ng Time – ang pumansin kung paanong nagkalat sa mga videoke bar ang karaniwang mga Pinoy na bumibirit nang katulad ng mga idolo nilang dayuhang mang- aawit. Itinuturing ding papuri sa mga bar na ito ang “plakado”. Halimbawa: “Plakado mo si James Ingram, ah.” Lagi ring idinidikit ang mga Pinoy na mang-aawit sa mga dayuhan: mula sa Claire dela Fuente = Karen Carpenter at Gary Valenciano = Michael Jackson (?!) hanggang sa Sarah Geronimo = Celine Dion. Karugtong din nito ang “fickle cycle of recycle,” sa mga salita ng kritikong si Patrick D. Flores, o ang walang kamatayang pagre-revive sa mga kanta, sa industriya ng musika sa bansa. Haluan ito: May bahagi ng panggagaya at may bahagi naman ng pagbago sa orihinal na pagkanta. Halimbawa ng huli ang bersiyon ng “Upside Down” ng 6cyclemind at mga kanta ni Sitti. Pero kapansin- pansing hindi pumatok ang album ni Nina ng mga revival ng mga kanta ni Barry Manilow, pero sumikat siya sa naunang pagbirit niya ng mga revival. Trahedya na inilaan ni Jaya ang boses niya sa walang kalatuy- latoy na “Is It Over?” Kung anuman, pagkilala ito sa orihinal na mga kanta – kapwa Pinoy at dayuhan. Hindi ko lang alam kung sasapat ang paliwanag ng “kaisipang kolonyal” o colonial mentality sa usaping ito. Kahit paano, ipinapahaging kasi ng paliwanag na ito na may pagpipilian ang ordinaryong mga Pinoy at mga musikerong Pinoy. Pero ang nakikita natin, napakalakas ng tulak sa kanila na gawin ang ginagawa nila. Binabaha halimbawa ang karaniwang mga Pinoy ng musikang dayuhan – sa porma ng pop at iba pa, at awit din ng mga dayuhan. Sa isang banda, nagre- revive ang mga musikerong Pinoy para mabilils na makilala, o kaya’y manatili sa ere kahit sa ilang panahon lang – bagamat totoo rin namang tumatangkilik ang mga tagapakinig sa mahuhusay na orihinal na awit. Hindi lingid sa marami ang kakayahan sa pagkanta ni Lani: Noon, pinipilahan pa nina Dulce, Dessa at iba pa ang “I Will Always Love You” ni Whitney Houston para maabot ang nota. Iyun pala, isang Lani lamang, kaya nang simulan at tapusin ang kanta nang mahusay. Pero trahedyang wala pa rin siyang sikat na kanta. Sa puntong ito, maraming usapin: mga nagsusulat para sa kanya ng kanta, pagbibigay ng proyekto ng mga kompanya sa telebisyon at recording, at iba pa. Kaya nga ginawa rin niya dating itanghal ang panggagaya niya sa sikat na mga mang-aawit na Pinoy – Sharon Cuneta, Zsa-Zsa Padilla, Jaya. Mapagkumbabang pag-amin ito sa dating trabaho niya sa mga minus one. Pero ang panggagaya niya sa sikat na mga dayuhang mang- aawit, sa ilang panahong pagsho- show niya sa Las Vegas, ay pagsisikap hindi lamang para kumita, kundi para mapansin ng mga nasa industriya ng musika sa US. Kakatwang para magawa ito, kailangan muna niyang magtanghal ng ganito – ipakitang kaantas niya sa talento ang mga dayuhang mang-aawit pero hindi niya kaantas sa katayuan; na katulad siya ng mga ito pero hindi; na alam niya ang lugar niya kahit nag-aasam siya ng mas mataas. Pamilyar na tayo sa ganito: mga Pinoy na nagsikap pumasok sa international music scene pero umuwing bahagya lang nagtagumpay: Martin Nieverra, Leah Salonga… Sa kanyang mga sulatin, palaging inililinaw ni E. San Juan, Jr., Pilipinong intelektuwal na nakabase sa US, na nakaugat ang pagiging mardyinal – nasa laylayan – sa US ng mga Pilipino sa pagiging neo-kolonya ng Pilipinas sa US. Aniya, nakaugnay sa paggigiit ng pambansang kalayaan ng mga Pilipino sa Pilipinas ang pagkilala at kapalaran ng mga Pilipino-Amerikano sa “sinapupunan ng halimaw”. Mahalaga ang punto niya hindi dahil itinuturo nito sa mga Pinoy kung paano magkakaroon ng natatanging puwang sa US, kundi para kilalanin ang ugat ng kawalan ng gayon, at para manawagang sana’y makilahok sa pagbago sa mga sanhing ito – na bukas kay Lani at iba pang mang-aawit. Napabalitang ooperahan sa obaryo si Lani. Hangad ko ang tagumpay ng operasyon. Sana, pagkatapos, may mailuwal nang magagandang awitin para sa kanya – bukod pa ang pag-asam na may mailuwal nang bagong pulitika para sa bukod-tanging tinig niya. 10 Enero 2007