SINAG 2020 | Page 3

MULA SA PATNUGUTAN

Ang pabalat ng lathalain ay ibinatay sa palabas na The Legend of Korra . Makikita rito ang babaeng may hawak na sandata at nakasakay sa ibong malaginto ang kulay . Para sa mga manonood nito , isang di malilimutan na eksena ay ang labanan ng mga pangunahing tauhan na sina Raava , ang espiritu ng kabutihan ; Korra , ang pagkakatawang-tao ni Raava ; Vaatu , ang diwang makasalanan at Unalaq , ang sinaniban ng masamang diwa . Matapos ang laban , nagwagi ang mga antagonista at humantong sa pagkapinsala ng kapuwang grupo .
Maliban sa pagiging tanyag na palabas , tila ’ y pamilyar at nakatatawag ng pansin ang kwentong ito sa mga Pilipino . Nang nahiwalay kay Korra ang napatumbang diwa ng kabutihan , pumawi rin ang lahat ng kanyang mga alaala tungkol sa mga naunang awatara . Dahil dito , pinagkaitan siya ng pamamatnubay at lakas upang makamit ang layuning mataguyod ang kapayapaan .
Matagal nang nilalabanan ng mga Pilipino ang sistemang mapagpaubaya sa hindi makatarungan . Ang ating kasaysayan ay pruweba sa mga buwis-buhay at paghihimagsik na nagtanggol sa kapwa , at nagtaas sa watawat ng lupang hinirang at ngayong malaya . Ngunit sa kabila ng mga tagumpay noon , tila ’ y paulit-ulit lamang ang pagtitiis at paghirap . Sa bawat kilusan na tumatangkilik sa ikabubuti ng masa o sa kapakanan ng mga api , likas na may idinudulot itong sakripisyo . At katulad sa The Legend of Korra , hindi palaging nagwawagi ang mabuti kahit dugo ’ t pawis man ang ibuhos .
Ngunit , ito ba ang nagsiklab sa puso ng ating mga bayani at ninuno ? Dili kaya ’ y isang sinag na nagpalinaw sa kanila na ang bawat laban ay mahalaga at may pupuntahan ? Alam nating hindi maiiwasan ang pagkatalo sapagkat madaming paghamon sa buhay . Bago pa man ang banta ng coronavirus , malupit na ang saligang kinaikutan ng bansa at ng mamamayan . Sa pagpihit ng makapangyarihan sa lipunan ay nagitgit sa talampas ng gutom , hirap at kawalan ang karamihan . Ngunit sa kabila ng mga ito , hindi kailanman nawala ang siklab na humuhugis sa mga pangarap at layunin ng mga Pilipino .
Para sa mga kabataan , nawa ’ y maging progresibo ang ating kaisipan at magpunyaging magtayo ng bagong sistema na kung saan makikinabang ang karamihan . Dalawang taon na lamang bago ang susunod na halalang pampanguluhan , kaya ’ t gamitin natin ang pagkakataong ito upang mabaliktad ang rehimeng pabaya . At hinggil sa dinamiko ng tinurang pamayanan , nakatakdang tayo ay mahahati sa mga magkasalungat at magkaibang panig . Ngunit , magkamayaw tayo sa mithing magsumikap upang makabawi sa mga kabiguan ng nakaraan at ngayon .
Kilalanin natin ang lipunan at bansa na nais nating maging . Itaas natin ang mga panulat at papel na gagampan sa totoong pagbabago . Tayo ang liwanag — ang sinag sa makabagong Pilipinas .