SINAG 2020 | Page 29

ni Althea Sandriana M . Sim
Walang pinagkaiba ang mga administrasyon sa isang romantiko .
Napakaraming pangako . Ang pangako na gawing utopya ang Inang Bayan . Ang pangakong sugpuin ang paghihirap ng mga anak niyang magsasaka at manggagawa sa pamamagitan ng mga batas na isusulong ang kanilang pag-unlad . Sino ang makatatanggi ? Kaya oo ang sinagot ng manggagawang Pilipino sa panliligaw na ito .
Pagkatapos , naging malinaw sa manggagawang Pilipino na ginamit lang pala sila .
Para maging patas , natupad naman talaga ang pinangakong batas na “ lulutas sa komplikasyon ng magsasaka at manggagawa ”. ‘ Yun nga lang , ito ay pumapabor pa rin sa mga burgis na pinagsasamantalahan ang mga manggagawa ’ t magsasaka , tulad ng Comprehensive Agrarian Reform Program ( CARP ), na layong wakasan ang sigalot ng mga maylupa at nangungupahang magsasaka sa pamamgitan ng redistribusyon ng pribado at pampublikong lupain .
Mukhang hindi naman isyu ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka . Ngunit sa programa ng HUMSS noong nakaraang taon , isinaad ni Ka Tonying , kasapi ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura ( UMA ), na “ bogus ” ang batas na ito .
Ito ang modus niyan : ibibigay ang lupa sa magsasaka . Hindi gamay ng magsasaka ang pamamahala nito . Sa huli , ibebenta rin ng magsasaka ang lupang ito . Hindi lang ‘ yan , sa pagkahaba-haba ng CARP , mula sa administrasyon ni Cory Aquino hanggang sa Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms ( CARPER ) ni Gloria Macapagal-Arroyo na natapos noong ika-30 ng Hunyo , taong 2014 , mahigit tatlumpung taon na ang nakalipas — wala pa ring lupa ang karamihan ng magsasaka .
Nakisabay rin ang Kautusang Tagapagpaganap ( Executive Order ) Blg . 51 ni Pangulong Duterte na layong wakasan ang kontraktwalisasyon o endo — terminolohiyang nanggaling sa pariralang “ end-of-contract ” na isang sistema kung saan ang manggagawa ay nakakontrata ng hindi hihigit sa anim na buwan , kahit gaano sila kagaling sa trabaho . Pero sa aprubadong kautusan , naglaho ang mga kondisyong pinagkasunduan ng mga kumpanya at ng mga unyon . Hindi idineklarang ilegal ang lahat ng endo . Ibig sabihin : hindi tuluyang ipinagbawal ang endo .
Punong-puno na ang mga manggagawang Pilipino sa paulit-ulit na pambobola ng kanilang hinaing . Kaya naman ang karamihan ay humahantong sa pag-rarally — ang nakikita nilang paraan upang marinig ang kanilang saloobin . Sabi nga ni Ka Tonying : ang korte at kaso kontrolado ni Duterte , pero hindi ang kalsada .
Ano ang kinalaman natin dito ? Maniwala ka man o hindi , mas marami pa ang utang natin sa mga manggagawa kaysa sa utang nila sa ’ tin . Buong-buo nilang nilaan ang kanilang serbisyo , at ‘ di lang ‘ yan — may pamilya silang binubuhay . Ang kapalit ? Makatarungang pagtrato sa kanila . Mahirap ba ‘ tong ibigay ?
Kaya tulungan natin sila sa hinaing na ito . Papaano ? Alamin ang ating pribilehiyo at ang estado ng ating mga manggagawa . Madali na ngayon makahanap ng impormasyon gamit ang internet , gamitin natin ito upang magbasa ng mga artikulong nagsasalaysay tungkol sa mga paghihirap ng mga manggagawa . Maghanap ng mga organisasyong maaaring tulungan . Direktang bumili ng gulay at iba pa sa mga magsasaka . At kung maaari , huwag nang tangkilikin pa ang mga produktong pagmamay-ari ng mga kumpanyang hindi inaalagaan ang kanilang manggagawa . Tutal , tayo naman talaga ang kumukontrol sa kalakaran . Kung patuloy na kumaunti ang mamimili , mapipilitan silang itigil ang produksyon nito . Pakikinggan nila ang konsyumer .
Ikalat ang impormasyong ito . Mas maraming nakaaalam , mas marami ang mababahala . Mas maraming nababahala , mas marami ang aaksyon . Mas marami ang aaksyon , mas marami ang tutulong sa pagputol ng mapang-abusong relasyon ng nakatataas sa mga manggagawa — sa paglaya ng mga manggagawang Pilipino sa kanilang gapos-tanikala .
TAMPOK
Pauliworld 24