SINAG 2020 | Page 25

Dear Charo ,
ni Gabrielle Paterno
Dear Charo ,
Ako ’ y sumusulat dahil gusto kong ipagbigay-alam sa iyo ang kinalabasan ng panonood ng madla sa mga teleseryeng kanilang malugod na tinanggap sa tahanan , sa pamamagitan ng sining na itinatanghal sa telebisyon .
“‘ Kuha mo ?” ‘ Yan ang linyang sinasambit ni Anna Manalastas sa teleseryeng 100 Days to Heaven na siyang tumatak sa isip ng mga manunuod . “ Salamat , Bro !” naman ang binabanggit ni Santino bilang pasasalamat sa Diyos sa palagiang pananatili nito sa tabi ng bata sa teleseryeng May Bukas Pa . “ Romina !” o “ Daniela !” naman ang maririnig pagsapit ng alas-tres ng hapon bilang bida ’ t kontrabida sa teleseryeng Kadenang Ginto . Hindi ba ’ t ang lahat ng nabanggit ay ilan lamang sa mga teleseryeng hindi mo pinalampas na panuorin kasama ng iyong pamilya ? Bagama ’ t natapos na , patuloy na umiiral sa ating mga tahanan ang mga aral na ibinahagi ng mga teleseryeng ito sa pang-arawaraw na gawain .
Tele , na pinaikling salita para sa telebisyon , ay pinagsama sa serye , na nangangahulugang ‘ series ’ sa wikang Ingles . Bago pa man naimbento ang salitang teleserye noong taong 2000 , iilang palabas na ang nabuo at humuli sa atensyon ng madla . Sa dokumentaryong inilabas ng batikang mamamahayag na si Cheche Lazaro , ang kauna-unahang kinikilalang teleserye sa bansa ay ang Gulong ng Palad na sa simula , ay ibrinodkast sa radyo lamang . Ngunit sa kadahilanang pumatok ito sa interes ng mga tagapakinig , tinuloy ang produksyon nito sa telebisyon , na noo ’ y hindi pa mahahanap sa tahanan ng bawat pamilya .
Sa konteksto ng Pilipinas , mapapalagay na sa mga teleserye , binibigyang-halaga ang gampanin ng pamilya sa paghulma ng bawat karakter . Ang mga paniniwala at karanasang isinusulat upang maakit ang puso ng manonood ay sadyang sinasama sa istorya sapagkat ito na mismo ang kanilang tunay na diwa : ang makapagpaabot ng mensaheng isasaisip ng madla . Isang halimbawa nito ay tuwing may bidang karakter na humaharap sa isang hadlang sa buhay na siyang pinangangasiwaan ng kontrabida , kung kaya ’ t ang iba pang karakter na miyembro ng pamilya ay sumusuplemento sa iba pang elemento ng kuwentong ipinababatid ng palabas .
Subalit , hindi nagtatapos ang kuwento sa pamilya lamang , maaaring tinatalakay rin ng palabas ang kasalukuyang kalagayan ng lipunang kanilang kinabibilangan . Ayon sa isang kritiko ng sining na si Alice Guillermo , ang teoryang “ social realism ” ay isang klase ng sining na inilalantad ang tunay na kinatatayuan ng lipunan , batay sa pagmamasid ng may akda . Kamakailan lamang , naging usapin ang hinanakit na inihayag ng isang mambabatas sa isyu ng pagbabago ng lisensya ng prangkisa ng ABS CBN . Aniya , puro banat at masamang imahe ang pinapakitang katangian ng mambabatas sa mga teleseryeng ipinalalabas ng estasyon . Ano nga ba ang implikasyon at epekto nito sa madla ?
Ang mga teleseryeng isinusulat ay maaaring hango sa totoong buhay o hindi . Sabi nga ni Ginoong Louie Sanchez , propesor ng kursong elektib na “ Literature and Ideas : The Philippine Teleserye ” sa Ateneo de Manila University , sinasalamin ng teleserye ang paraan ng pagtingin ng madla sa kaniyang sarili at sa mundo , kung kaya ’ t tinatangkilik ito ng mga Pilipino . Maaari na ang isang rason sa likod ng paglalarawan sa kawani ng gobyerno bilang antagonista ay dahil ito pala ang naiisip ng madla sa kasalukuyan , at naghahanap sila ng paraan upang makatulong sa pagpapabuti ng lipunan . Hindi lamang ito nagsisilbi bilang libangan para sa mga pamilyang Pilipino , nagiging paraan ito upang maunawaan ng tagapanood na mayroong mga aksyon na maaaring gawin kung sakaling sila ay namomroblema .
Ang pangunahing epekto ng mga teleseryeng ito ay mayroong manipestasyon sa pamilya , ang pangunahing yunit ng lipunan . Sa pagkagawi ng indibidwal na isakatuparan ang mga aral na kanyang natutunan sa teleserye , masasaksihan ng pamilya ang positibong epekto ng pagpapahalaga sa mga teleserye . Hindi katanggap-tanggap ang mababang pagtingin sa mga teleserye . Bagama ’ t marami pang kailangang mapabuti sa larangan , ito ’ y isang anyo ng sining na magpakailanmang nakaukit sa kasaysayan ng Pilipinas .
TAMPOK
Pauliworld 20