Ang pinangangambahan nating pagkontrol ng mga Transnational Corporation (TNC) sa food supply ay kasalukuyang nangyayari na. Sa ipinalabas na desisyon ng Supreme Court na nagpapatigil ng paggamit ng Genetically Modified Organism (GMO) at sa kautusan na gumawa ng bagong Administrative Order tungkol dito, nagbanta ang mga TNC at ang mga kinauukulan na magkakaroon ng shortage ng soya at mais. Ang soya at mais ang pangunahing sangkap ng feeds ng mga manok, baboy, tilapya at bangus. Pawang mga GMO ang ating inaangkat na soya at GMO din ang mga itinatanim nating mais. Habang wala pa ang bagong Administrative Order, matitigil ang pag-angkat ng GMO soya at hihinto naman ang pagtatanim ng GMO mais.
(Larawang kuha ng GREENPEACE)
Kung walang soya at mais, walang kakainin ang mga manok, baboy, tilapia at bangus. Magkakaroon ng shortage, at tataas naman ang demand sa ibang pagkain. Papasok ang law of supply and demand kaya’t tataas ang presyo ng mga bilihin.
Nagkaroon ng Public consultation para sa paggawa ng bagong Adminstrative Order sa pamamagitan ng Joint Department Circular na kinabibilangan ng DA, DOH, DILG, DENR tungkol sa paggamit ng GMO products. Ang mga Public Consultation (PC) na ito ay hindi public at railroaded. Kahit ang mga nagfile ng kaso sa SC ay hindi agad inimbita at n’ung imbitahin ay hindi binigyan ng pagkakataong marebyu nang maige ang draft ng circular.
Ang target nila: mapirmahan at mailabas ang bagong Joint Department Circular sa Peb. 23, 2016.
Hindi kami naniniwala na magkakaroon ng shortage ng soya at mais. Magkakaroon nga ng shortage, pero sa GMO soya at GMO mais lang. May makukuhang non-GMO soya at mais kung gugustuhin. Ang shortage na sinasabi ay pananakot lamang para madaliin ang paglabas ng bagong Joint Administrative Circular na pabor sa mga TNC.
Kapansin-pansin na sa mga ginawang PC, hindi represented nang maige ang mga anti-GMO at sa halip, ito ay dominated ng mga TNC gaya ng Monsanto, Syngenta atbp., pati ng mga pro-GMO advocates sa gobyerno. Nagkaroon lang ng pagkakataon ang panig ng anti-GMO noong pang-apat at panglimang/panghuling PC. Ngunit ang kanilang mga mungkahi at puna ay hindi naman binigyang pansin.
Lubhang napakaikli ng panahong ibinigay sa public consultation. Limang (5) beses lang ginawa ang mga ito: isa sa Visayas, isa sa Mindanao at tatlo sa NCR. Hindi sapat ang panahon at hindi sapat ang limang (5) public consultation. Kinabukasan nating lahat at ng ating mga anak at apo ang nakasalalay--at ang kinubukasan natin ay binalangkas sa loob lamang ng ilang araw.
kinokontrol na nila tayo
7
ni RC Alcazar,
organic farmer, trader